National News
Mahigit 2-K indibidwal, apektado ng Typhoon Aghon
Umabot na sa mahigit 500 pamilya o katumbas ng nasa mahigit 2-K indibidwal ang apektado ng Typhoon Aghon.
Sa nasabing bilang umabot sa 503 pamilya ang pansamantalang sumisilong sa mga evacuation centers ngayon.
Itoy base sa inilabas na datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Patuloy namang bineberipika ang 4 na naitalang sugatan dulot ng masungit na panahon.
Maliban diyan ay nasa 6 na lugar ang binaha habang 2 naman ang nakaranas ng pagguho ng lupa.
Sa tala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) as of 11pm May 26, araw ng Linggo ang bagyong Aghon ay bahagyang lumakas at nag landfall sa Patnanungan Quezon.
Dahan-dahan nitong tinatahak ang Northeastward ng Luzon taglay ang lakas na 100 km/h.
Alas-2 kaninang umaga ay nasa Philippine Sea east of Aurora na ang bagyo.
Samantala, sa isang pulong balitaan sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) Spokesperson Dir. Edgar Posadas na balik na sa normal ang operasyon ng mga pantalan sa Matnog sa Sorsogon at Allen port sa Northern Samar, dahil aniya rito ay mababawasan na ang mga stranded na pasahero.
“Yung sea ports po natin sa Matnug at sa Allen have resumed operations already so meaning baka wala nang ano dun sa pagmumulan at pagdadaungan wala na sigurong signal dun kaya ina-allow na po nila.”
“Yung strandies natin baka mababawasan na ito kasi tuloy-tuloy na ‘yung pagsakay, pati ‘yung ferry service has resumed already based on this information,” ayon kay Spokesperson, OCD, Dir. Edgar Posadas.
Sinabi rin ni Posadas na nakaantabay ngayon ang nasa mahigit 50 search and rescue team para magbigay ng tulong sakaling lumala ang sitwasyon.
“For the search and rescue retrieval we have on standby 53 teams nationwide on standby kasi kung sasabihin po halimbawa god forbid na magkaroon ng landslide or may nawawala or may natangay ng alon ito po ‘yan po ang trabaho ng ating search and retrieval cluster,” dagdag pa nito.
