Connect with us

Mahigit 200K trabaho, alok sa Labor Day Job Fairs ng DOLE

Mahigit 200K trabaho, alok sa Labor Day Job Fairs ng DOLE

National News

Mahigit 200K trabaho, alok sa Labor Day Job Fairs ng DOLE

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Labor Day ngayong taon, magsasagawa ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga job fair sa 69 na lugar sa buong bansa.

Mahigit 2, 281 kumpanya ang kalahok at mag-aalok ng mahigit 216, 144 oportunidad sa trabaho.

Sa bilang na ito, mahigit 181, 933 ay mga lokal na bakante, habang mahigit 34, 211 naman ang mga overseas job opening.

Nangunguna ang National Capital Region na may higit 63K alok na trabaho, sinundan ng Central Luzon na may 32K, CALABARZON na may mahigit 18K, Western Visayas na halos 18K, at Zamboanga Peninsula na may mahigit 13K oportunidad.

Kasama sa mga industriyang may pinakamaraming bakante ang manufacturing, retail, Business Process Outsourcing (BPO), accommodation at food service, at financial o insurance sectors.

Kabilang sa mga pangunahing posisyon na inaalok ay production operator, sales clerk, call center representative, service crew, at microfinance officer.

Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, ang pagsasagawa ng mga job fair sa pakikipagtulungan ng pribadong sektor ay bahagi ng kanilang pagsisikap na mapalapit ang mga oportunidad sa mga Pilipinong naghahanapbuhay, “Mayroon kaming binabalangkas na job fair na nakatuon naman sa Senior High School.”

 “2 po ang layunin no’n: una ay mabigyan sila ng pagkakataon sa hanapbuhay, pangalawa malaman namin sa DOLE kung ano ba ang kakulangan, anong klaseng adjustment o improvement ang pwede naming gawin, para matiyak na magkaroon sila ng trabaho pagkatapos nilang maka-graduate ng senior high school.”

Samantala, ito naman ang payo ng kalihim sa mga nagbabalak na magpunta sa nasabing job fair ng DOLE, “Bago magpunta sa job fair, tiyakin na medyo maayos ang kasuotan, na kapag ikaw tiningnan ay makumbinsi mong ‘yung representante ng employer na ‘eto pwede makuha.’ Ikatlo, huwag tayong nerbiyusin at kabahan.”

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Labor Day job fair activities, maaaring makipag-ugnayan sa pinakamalapit na Public Employment Service Office (PESO), regional at field offices ng DOLE, o bisitahin ang kanilang mga opisyal na website at social media pages.

More in National News

Latest News

To Top