Connect with us

Malambot na puso at husay sa trabaho ni Sec. Ople, inalala ni PBBM

Malambot na puso at husay sa trabaho ni Sec. Ople, inalala ni PBBM

National News

Malambot na puso at husay sa trabaho ni Sec. Ople, inalala ni PBBM

Kasabay ng komemorasyon ng National Heroes Day nitong ika-28 ng Agosto, isang necrological service ang isinagawa para kay Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople sa Palasyo ng Malacañang.

Kasama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Z. Duterte na dumalo ang iba pang miyembro ng gabinete.

Sa kanyang eulogy, inalala ni PBBM ang malambot na puso at ang husay ni Sec. Ople sa trabaho.

Ibinahagi ng pangulo ang pag-asang hindi mabibigo ang kanyang kaibigan at kalihim, partikular na sa pagpapatuloy ng adbokasiya at nasimulan ni Sec. Ople para sa mga overseas Filipino worker (OFW).

Nabanggit din ni PBBM na masyadong malaki ang nabakanteng posisyon ni Ople para punan.

“Napaka-malaki ang nawala sa akin, sa inyong lahat, at sa bansang Pilipinas. And if I do shed a tear, it is because it is such a sad day to know – it is such a sad – a bit of knowledge to know that Toots will not be here anymore and what a big gap she will leave not only to our friends, not only to our family but to the millions of those who she took care of, who she loved, and who she worked for tirelessly and endlessly,” ayon kay Pres. Ferdinand Marcos, Jr.

Sinabi pa ni Pangulong Marcos na mahirap makahanap ng pinuno ng Department of Migrant Workers (DMW) na dedikado tulad ni Secretary Ople.

Idinagdag pa ng punong-ehekutibo na maaaring wala siyang mahahanap na kapalit ng kalibre ni Ople ngunit ang trabaho sa DMW ay dapat magpatuloy upang matiyak ang kapakanan ng milyun-milyong OFWs at kasabay nito ay maisakatuparan ang bisyon ni Ople para sa bagong departamento.

“Maghanap tayo ng kasing-galing niya pero huwag na tayong umasa na mapalitan si Toots, na mag-substitute na magkakaroon ulit tayo ng Toots na ilalagay ulit natin, bibigyan natin ulit ng pagkakataon na magtrabaho,” dagdag pa ng pangulo.

Ang pakikipagkaibigan niya kay Ople, ani Marcos, ay nagsimula noong siya ay senador, na kasama niya na nagtatrabaho sa kanya hinggil sa kapakanan ng OFW, na siya ring panghabambuhay na adbokasiya ng yumaong DMW chief.

Ayon din sa pangulo, si Ople ay mayroon ding pambihirang ‘sense of professionalism’.

“At malaki ang respeto ko kay Toots sa kanyang pagka-professional, sa kanyang kasipagan, at talaga ang puno’t dulo nung lahat ang kanyang pagmamahal talaga sa kapwa Pilipino. At iyon ay – that was on a professional side,” saad pa ng presidente.

Namatay si Ople noong Martes, Agosto 22, sa edad na 61 matapos makipaglaban sa cancer.

Itinalaga ni Pangulong Marcos si Ople na pamunuan ang pinakabagong departamento ng pamahalaan sa pagsisimula ng kanyang administrasyon.

Isang masugid na tagapagtaguyod ng mga karapatan ng mga OFW, itinatag ni Ople ang Blas Ople Policy Center (BOPC), na ipinangalan sa kanyang ama, na tumutulong sa mga distressed OFW sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Ang nakatatandang Ople ay nagsilbi bilang labor chief noong administrasyon ni Marcos Sr.

More in National News

Latest News

To Top