International News
Malaysia, nakapagtala ng panibagong 12 kaso ng COVID-19
Umabot na sa 129 ang kabuuang bilang ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa Malaysia kasunod ng naitalang 12 panibagong kaso.
Sa naging pahayag ni Malaysian Health Minister Datuk Seri Dr Adham, ang 12 kasong naitala ay pawang close contact sa ika-33 pasyente na natuloy sa isinagawang contact tracing process ng ahensya.
Ayon pa kay Dr. Adham, meron nang 25 pasyente na gumaling sa sakit at nakalabas na ng ospital.
Sa kasalukuyan ay may 150 ministry officials ang bansa na may around-the-clock duty sa Kuala Lumpur International Airport (KLIA) para magsagawa ng screening process.
Tiniyak naman ng opisyal na hindi lang international airports ang minomonitor ng pamahalaan kundi maging ang mga land at sea entry points ng bansa.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Dr. Adham ang mga malaysians na magpraktis ng sariling ‘social distancing’, tulad ng pag-iwas sa mga matataong lugar, pagdalo ng iba’t-ibang events, at pagkakaroon ng physical contact.
Binigyang-diin ni Dr. Adham na sa halip na makipag-kamay ay ilagay na lamang ang kamay o ang palad sa dibdib bilang pagbati
Erich Parcon
