Connect with us

Mandarin-speaking agents, idinagdag ng DOT sa TACC

Mandarin-speaking agents, idinagdag ng DOT sa TACC

National News

Mandarin-speaking agents, idinagdag ng DOT sa TACC

Para mas matugunan ang pangangailangan ng mga turista mula sa iba’t ibang panig ng mundo, lalo na ngayong Semana Santa, pinalawak ng Department of Tourism (DOT) ang kanilang serbisyo sa pamamagitan ng pagdagdag ng Mandarin-speaking agents sa kanilang Tourist Assistance Call Center (TACC).

Ang Pilipinas ay isang bansa na punong-puno ng likas na yaman, makulay na kultura, at mainit na hospitality, kaya’t hindi nakapagtataka na patuloy itong nagiging isang prime destination para sa mga dayuhang turista.

Hamon namang maituturing ang kakulangan ng komunikasyon sa mga dayuhang turista na hindi nagsasalita ng Ingles.

Ang kakulangan sa mga language-specific services, gaya ng mga Mandarin-speaking agents, ay nagiging sanhi ng hindi pagkakaintindihan na maaaring magdulot ng hindi magandang karanasan at magpahina sa kredibilidad ng ating turismo.

Kaya naman inanunsyo ng DOT na mayroon nang Mandarin-speaking agents sa kanilang tourist assistance call center upang tumugon sa mga katanungan at pangangailangan ng mga turistang nagsasalita ng Mandarin.

Ayon kay Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, ang bagong serbisyo ay bahagi ng pagpapalawak ng linggwahe sa call center na una nang may English at Filipino agents simula pa noong October 2023, at Korean-speaking agents mula February 2025.

Mananatiling aktibo ang call center ngayong Semana Santa sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga biyahero.

Tinatayang higit 30-M lokal at dayuhang turista ang inaasahang maglalakbay sa iba’t ibang destinasyon sa bansa sa panahon ng long weekend.

Ang Mandarin-speaking agents ay available mula Lunes – Biyernes, 8:00 am – 5:00 pm.

Bukod sa hotline na 151-TOUR o 151-8687, maaaring makipag-ugnayan ang mga turista sa pamamagitan ng mobile, email, Facebook Messenger, at live webchat sa website ng DOT.

Ika-6 ang China sa mga bansang pinagmumulan ng mga turista sa Pilipinas, batay sa datos ng DOT hanggang Abril 1, 2025.

Nasa 73K na Chinese tourists ang dumating sa bansa mula Enero – Marso ng kasalukuyang taon.

Ayon kay Frasco, ang pagpapalawak ng serbisyo ng call center ay bahagi ng National Tourism Development Plan 2023–2028 upang mapabuti ang kabuuang karanasan ng mga turista sa bansa, “With a total of four languages already available, the Department of Tourism’s tourist assistance call center aims to fulfill a key objective of the National Tourism Development Plan (NTDP) 2023 to 2028, which is to enhance the overall tourist experience in the Philippines.”

Dagdag pa ng kalihim, ang kanilang call center ay nakatuon sa pagbibigay ng accessible, episyente, at world-class na serbisyo para sa lahat ng turista, lokal man o dayuhan, “Our call center is also dedicated to deliver accessible, efficient, and world-class service to all tourists, both domestic and international.”

Sa kabila ng mga likas na yaman at kagandahan ng bansa, patuloy na kinakaharap ng sektor ng turismo ang mga hamon tulad ng kakulangan sa imprastruktura, sistema ng transportasyon, at language barriers.

Ang mga isyung ito ay nagiging hadlang sa pagpapalakas ng tourist influx, kaya’t kinakailangan pa ng mas maraming inisyatiba at pag-unlad upang mas mapabuti ang karanasan ng mga turista at maging isang top destination ang Pilipinas sa buong mundo.

More in National News

Latest News

To Top