Connect with us

Manibela, tinutulan ang pagbabalik ng aplikasyon para sa PTMP; Kilos-protesta at tigil-pasada, ikakasa

Manibela, tinutulan ang pagbabalik ng aplikasyon para sa PTMP; Kilos-protesta at tigil-pasada, ikakasa

National News

Manibela, tinutulan ang pagbabalik ng aplikasyon para sa PTMP; Kilos-protesta at tigil-pasada, ikakasa

Nagpupuyos sa galit ang grupong MANIBELA at sinabing pina-iikot lang daw sila ng gobyernong Marcos Jr.

Ang sama ng loob ng grupo ay nag-ugat sa pagpayag ni Transportation Secretary Vince Dizon na muling buksan ang aplikasyon para sa konsolidasyon ng mga Public Utility Vehicle (PUV) operators na hindi pa pumasok sa kooperatiba para sa Public Transport Modernization Program.

Mariing kinondena ng grupong MANIBELA ang ginawang hakbang ngayon ni Transportation Secretary Vince Dizon matapos itong makipag-dayalogo noong nakaraang buwan.

Hiniling kasi ng grupo sa DOTr Chief na gawin na lamang opsyon ang konsolidasyon para sa Modernization Program at huwag pilitin ang ibang operators na umanib sa mga kooperatiba.

Bukod pa riyan, ang hiling na pagpapalawig sa kanilang mga prangkisa o Provisional Authority ng 5 taon upang makapag-rehistro para sa tuloy-tuloy na pamamasada.

Kaya naman, isang special committee group ang binuo ng kalihim na magbabalangkas sa guidelines na nakapaloob sa programa.

Ngunit, matapos ang halos 1 buwan na paghihintay ng mga grupong hindi pabor sa modernisasyon, pinirmahan na ni Dizon ang Department Order 2025-009 nitong Martes, May 6.

Layon umano ng kautusan na muling buksan ang aplikasyon para sa konsolidasyon ng mga traditional jeepney at UV express at maglatag ng gabay para sa mga individual operator at drayber na hindi pa bahagi ng nasabing programa.

Batay sa Section 6 sa ika-8 pahina ng nasabing kautusan, ipinag-utos ng DOTr ang pagbibigay ng PA o pansamantalang prangkisa sa mga unconsolidated individual operators na may bisa ng 1 taon na maaaring palawigin o i-renew alinsunod sa mga panuntunan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa pahayag ni Dizon, binibigyang-diin niya ang kahalagahan na makabalik sa kanilang hanapbuhay ang mga tsuper at operator na walang prangkisa.

Ang importante lang po ay mabigyan ng opportunity na makabalik at makabiyahe ng legal itong ating mga operator na hindi nakasama sa consolidation, “Pinapayagan din pumasok sa existing cooperatives ang mga unconsolidated na mag-a-apply para sa programa.”

Ngunit ang hakbang na ito ni Dizon ay pinalagan ng grupong MANIBELA.

Malinaw raw itong pagtataksil at panlilinlang sa kanilang hanay.

Ayon kay MANIBELA, Chairman Mar Valbuena, “Trinaydor ang mga drayber at operator at trinaydor ang taumbayan dito sa pagpapa-asa sa amin. Ang ginawa po niya ay tumutok pa rin siya doon sa consolidation na ito nga ‘yung nilalabanan natin. Ang hiling natin sa kanya ay maging opsyonal nalang sana ‘yung consolidation at huwag ipilit. Pero, ang pinakinggan pa rin po niya ay ‘yung mga kapatalista.”

Dagdag pa ng MANIBELA, pina-iikot lang daw sila ng gobyernong Marcos Jr. matapos mangako na ikokonsidera ang kanilang mga hinaing, “Ang sinasabi natin na hindi naman tayo against diyan ‘yung sa consolidation lang po. Bigyan kami ng pagkakataon na mag-modernize individually hindi po consolidated. Kasi, siya na rin nagsabi kanina sa interview na 60% na failed doon sa kooperatiba na pagkuha ng modernized units. Luging lugi at ang iba rito ay nai-scrap na. Bakit pa kami gagaya roon.”

Dahil sa ginawang hakbang na ito ni Dizon, isang kilos-protesta raw ngayong linggo ang ikakasa nila dahil hindi na naman tumupad sa pangako ang gobyerno.

Bukod pa riyan, may ikakasa rin silang malawakang tigil-pasada.

Samantala, bumuwelta naman ang isang miyembro ng malalaking transport groups na ALTODAP sa gagawing hakbang ng MANIBELA.

Partikular na sa pagbibigay ng 1 taon na provisional authority sa unconsolidated jeepneys.

Saad ni ALTODAP, President Boy Vargas, “Kung ganon ang mangyayari ay talagang unfair ‘yun. Dahil kasi, marami na kasi na nag-consolidation na 85% na eh.”

May pahayag din ang ALTODAP sa kilos-protesta at tigil-pasada ng MANIBELA, “Lagi naman nilang ginagawa ‘yan eh, lagi naman silang nananakot eh. Nakikita niyo na kung mayroon silang napa-paralyze wala magiging epekto.”

Sagot naman ng MANIBELA sa grupong ALTODAP na siyang nag-rekomenda umano sa DOTr Chief para sa muling pagbukas ng aplikasyon para sa PTMP, “’Yung mga lider lang ng mga ito ang may gusto kasi nga naiipit nila ‘yung mga tao. Ang nangyari po sa ganitong recommendation ng ibang transport groups ay sila ang nakikinabang, sa kanila magpapa-member sa kanilang mga itinalagang kooperatiba sumasali plus membership at condolidation fee ‘yun po ang nangyayari doon. Kaya sila gigil na gigil na ituloy ‘yung consolidation kasi another singilan na naman ito doon sa mga papasok sa kanila at ipapasok nila. Doon pa lang sa mga hearing ay ang laki na ng bayad may P1K may P2K kada unit. Kaya, gigil na gigil ‘yung ibang transport leader na dahil pinagkaka-perahan ito.”

More in National News

Latest News

To Top