Metro News
Manila water at Maynilad, may water rate adjustment simula sa Abril
Magkakaroon ng water rate adjustment ang Manila Water at Maynilad simula sa susunod na buwan.
Ito ay matapos aprubahan ng Board of Trustees ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang implementasyon ng 2020 Second Quarter Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA) ng 2 water concessionaire.
Sa press release ng MWSS, simula Abril 1 ay may P0.21 na bawas-singil sa kada cubic meter ang Manila Water habang may dagdag na P0.05 sentimos sa kada cubic meter ang Maynilad.
Sa mga lugar na sineserbisyuhan ng Manila Water, mababawasan ang inyong bill ng P1.11 kada buwan kung kayo ay kumukonsumo ng 10 cubic meters pababa at hindi kabilang sa lifeline customers.
Nasa P2.46 naman ang mababawas sa mga kumukonsumo ng 20 cubic meters kada buwan at P5.02 para sa mga komokunsumo ng 30 cubic meters.
Sa mga sakop ng Maynilad, may dagdag na P0.18 sa singil kada buwan para sa mga kumukunsumo ng 10 cubic meters, P0.69 sentimos kada buwan para sa kumukunsumo ng 20 cubic meters at P1.40 kada buwan para naman sa mga kumukunsumo ng 30 cubic meters.