National News
Marcos admin, nakahanda nang tugunan ang mga kakulangan sa maritime at seafaring industry
Nakahanda ang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. sa mga plano at programa nito upang mahusay na matugunan ang 6 na kakulangan na tinukoy ng sa maritime at seafaring sector ng bansa.
Kabilang sa natukoy ng European Commission na 6 na ‘areas of deficiencies’ sa maritime education ay sa hanay ng:
1.) monitoring, supervision and evaluation of training and assessment;
2.) examination and assessment of competence;
3.) program and course design and approval;
4.) availability and use of training facilities and simulators;
5.) on-board training;
6.) issue, revalidation and registration of certificates and endorsements
Kaugnay dito, Sinabi ni Pangulong Marcos na lubos nitong ikinagalak na nabigyan ng extension ng European Commission ang Filipino seafarers sa kanilang certification upang patuloy silang makapagtrabaho.
Magbibigay aniya ang gobyerno ng solusyon sa problema sa maritime industry upang maipagpatuloy ng Pilipinas ang pag-develop ng mga world-class at magagaling na seafarers para sa buong mundo.
Una rito, pinalawig ng Directorate-General for Mobility and Transport ng European Commission ang pagkilala nito sa maritime education, pagsasanay at sertipikasyon ng gobyerno ng Pilipinas para sa mga marino.
Ito’y matapos irekognisa ng EU ang mga aksyon ng Pilipinas sa pagtugon sa ilan sa mga seryosong kakulangan nito.
Inalala ni Pangulong Marcos ang kanyang naging pagbisita sa Brussels, Belgium noong Disyembre kung saan nakapulong nito si EU President Ursula von der Leyen sa sidelines ng EU-ASEAN Summit.
Natalakay ng 2 lider ang patungkol sa technical cooperation para paghusayin ang edukasyon, pagsasanay, at certification system para sa Filipino seafarers.
Saad ni PBBM, 15 taon nang kinakaharap ng mga Pinoy seafarer ang problemang ito kaya naman agad ding tinutukan ng pamahalaan ang nasabing isyu.
Dahil dito, napigilan ang maaaring panganib na mawawalan ng trabaho ang 50,000 seafarers ng bansa.
Kung maalala, nagbabala ang EU na maaaring ma-ban ang mga Filipino maritime workers sa kanilang vessels kasunod ng makailang beses na pagkabigo ng Pilipinas na mapagtagumpayan ang ebalwasyon ng European Maritime Safety Agency (EMSA) sa nakalipas na maraming taon.
Samantala, inilahad naman ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople na ang desisyon ng European Commission ay isang patotoo sa pamumuno at political will ni Pangulong Bongbong Marcos sa pagtiyak sa pagsunod ng bansa sa mga pamantayan ng Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers.
Samantala, inihayag naman ni Transportation Secretary Jaime Bautista na lagpas 49,000 Pinoy marine officers at kanilang pamilya sa Pilipinas ang makikinabang mula sa naging pasya ng EU.