National News
Marcos Jr., sinisingil na ng Amerika
Mag-aapat na dekada na mula nang maitatag ang the Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na pinamumunuan ni Pastor Apollo C. Quiboloy.
Noon pa man ay hindi na bago sa kongregasyon ang mga kapagsubukan na talagang nagpatatag dito sa paglipas ng panahon.
Bukod sa pagiging popular at pinagpala ay malaki rin ang papel na ginagampanan ni Pastor ACQ at ng buong KOJC sa aspetong pang-politikal sa Pilipinas.
Dahil dito, kung inggit lang din ang pag-uusapan, marami ang pwedeng makaramdam nito laban sa butihing pastor at isa na sa mga pasok sa listahang ang Amerika.
Noon pa man ay sinabi na ni Pastor Apollo na walang magandang naitulong ang Estados Unidos sa mga Pilipino.
Tutol din ang butihing pastor sa mga base militar ng Amerika dahil nag-eenganyo lang ito ng giyera sa ibang bansa kaya upang matigil ang pagdami ng mga Pilipinong namumulat sa katotohanan at upang makontrol pa rin ng mga Amerika ang politika sa Pilipinas, balak nitong patahimikin habambuhay ang butihing pastor.
Kung matatandaan, matagal nang isiniwalat ni Pastor Apollo na ang nasa likod ng patong-patong na kaso na isinampa laban sa kanya ay ang Amerika gamit ang mga dating myembro ng KOJC.
Nauna na rin niyang sinabi na nagbigay ang Estados Unidos ng $2M na pabuya kapalit ng kanyang ulo kaya sa ika-7 press conference ng KOJC nitong Agosto 17, 2024, isa sa mga ipinunto ng panel ay ang nasabing pabuya na tinanggap na umano ng mga matataas na opisyal ng Pilipinas.
Ayon sa vlogger na si Boss Dada, isa sa anchors ng programang Banateros sa SMNI, may natanggap silang impormasyon na sinisingil na ng Amerika ang administrasyon ni Marcos Jr. kaugnay sa pabuya. “Gaano katotoo itong mga reports na natatanggap natin na naniningil na daw ang United States of America dahil kalahati doon sa kanilang itinalagang pabuya para mahuli itong si Pastor Apollo C. Quiboloy ay tila nakubra na yata.
Again, hindi po ito kinubra noong mga opisyales sa baba. Ito po ay malamang sa malamang nakubra ng mga opisyales na nasa taas kaya talaga ‘yung pressure ibinababa na nila sa mga kapulisan para talagang mahuli itong si Pastor Apollo C. Quiboloy.”
Para naman sa isa pang vlogger at anchor ng Banateros na si Coach Oli, aligaga na ngayon si Marcos Jr. dahil pine-pressure na ito ng Estados Unidos dahil nalalapit na ang eleksyon. “Merong balita na pressured na siya kasi hinahabol ito doon sa US election, (sa) November, kaya talagang panggagambala diumano dito sa KOJC at sa Davao dahil itong si Marcos ay pine-pressure na at tsaka ‘yung nabanggit kanina ni Boss Dada na 50% diumano ay bayad na ‘yung reward money.”
Ang sinabi ng dalawang vloggers ay sinag-ayunan rin ng executive secretary ng KOJC na si Sis. Eleanor Cardona. “May pressure talaga ang pamahalaan ng Pilipinas para habulin, tugisin, at kunin talaga si Pastor Apollo Quiboloy. Iyon nga, maniwala na tayo na ang pressure galing sa Estados Unidos, galing nga doon ‘yung kaso. Ilang beses na po iyan sinabi ng aming mahal na Pastor na meron talaga- ang nasa likod nito lahat ang Amerika.”
Paliwanag pa nito, ipinagpalit ni Marcos Jr. si Pastor Apollo sa mga Amerikano para maabswelto ito sa kanilang kaso sa Estados Unidos kalakip ang paglalagay ng mga base militar sa Pilipinas.
Tungkol naman sa partisipasyon ng mga Amerikano sa paghuli kay Pastor Apollo, sinabi ni Master Judea ng programang Banateros, nagbibigay umano ng mga makabagong kagamitan ang Estados Unidos para manmanan ang buong KOJC sa pag-aakala na nasa lugar pa ang kanilang target. “…Katunayan po diyan ay nagpapahiram o nagpo-provide po diumano itong Amerika ng mga itong tinatawag natin na mga apparato- thermal tracker- para makita nang sa malayuan o kahit may dingding, namo-monitor nila kung may tao.
Ito po ‘yung paraan nila. ‘Yang mga drone po na dapat po ginagamit sa mga terorista sa matinding gyera, itong ginagamit nila ngayon na diumano ay katulad ito sa ginamit sa pag-track kay Bin Laden, ‘yung thermal scanner.
Bakit? si Pastor Apollo Quiboloy ba ay rebelde, terorista ba?”
Maging ang ministro ng KOJC na si Bro. Carlo Catiil ay saksi sa mga high-tech gadgets na ginagamit ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang patuloy na panggigipit sa KOJC. “Biruin mo, mga listening device, diyan sa harapan (ng KOJC Compound), palagi pong nakatutok sa amin. Mga ano, telescope nila, mga thermal scanner, lahat ‘yan puro panggigipit kasi may deadline nga, before November, election sa Amerika.”
Dahil dito, tanong ngayon ng KOJC members, kung tunay na may kasalanan si Pastor Apollo, bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin natutuloy ang paglilitis sa mga kaso nito sa Amerika?