National News
Maruming quarantine area ng mga Pinoy repatriates, ikinadismaya ni Sen. Hontiveros
Maruming hotel room bilang quarantine area, iyan ang naabutan ng mga umuwing Pinoy repatriates dito sa Pilipinas.
Kasunod nito ay nanawagan ngayon si Senator Risa Hontiveros sa Department of Health (DOH) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na bigyan ng maayos na pagtutuluyan ang mga OFW na sasailalim sa 14-day quarantine.
Ilan pa ani Hontiveros sa mga reklamo ng mga OFW ay maruming kobre kama, malamok na kwarto at tila kulay lupa na tubig na lumalabas sa mga gripo.
Dagdag pa ni Hontiveros na baka lalo lang magkasakit ang mga ito dahil sa walang kalinisan ng kanilang tinutuluyan.
Ngayon aniya na hindi sila pinayagang makaalis ng bansa ay responsibilidad ito ng gobyerno na siguraduhing nasa maayos at matiwasay na kondisyon ang mga ito.
“Ngayong nasa quarantine ang ating mga OFW at hindi natin sila pinapayagang bumiyahe, responsibilidad ng pamahalaan na siguraduhing ligtas at matiwasay na nabubuhay ang mga overseas workers at ang kanilang pamilya. Government must respond to the sacrifices and hardships of our OFWs with immediate and efficient government assistance,” pahayag ng senador.