National News
Mas mabilis na pag-siklab ng people power, ibinabala dahil sa social media
InihambIng ng isang dating presidential political adviser ang pag-siklab ng people noong unang mga panahon at ngayong panahon ng social media.
“Alam mo, it took so many years for his father to be ousted from power. Napaka-pasensyoso ng Pilipino. Pero ngayon, because of social media, because of technology napapabilis. And he might succumb,” ayon kay former Presidential Political Adviser, Atty. Jing Paras.
Ito ang babala ni Atty. Jing Paras sa Marcos administration kaugnay sa mga nangyayari ngayon sa bansa.
Saad ni Paras na political adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, hindi malayong magkatotoo ang prediksyon ng dating presidente kay Pangulong Bongbong Marcos Jr.
“Ang sabi ni Pangulong Duterte, baka susunod ka sa tatay mo na was driven away to Hawaii,” dagdag pa nito.
Sa tagal niya sa pulitika, ngayon lang daw ulit nakita ni Paras ang pagka-diskontento ng publiko sa gobyerno.
Mababasa raw ito sa komento ng netizens sa social media na mabilis mag-viral.
Malayo raw ito sa panahon noon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. kung saan walang internet at mabagal ang pagkalat ng impormasyon kaya nagtiis din ng matagal ang mga Pilipino.
Isa raw ngayon sa matunog na tanong kay Marcos Jr. ay kung totoo ba itong gumagamit ng iligal na droga?
Lalo na’t may mga dokumentong nag-viral sa social media na nagsasabing target ito noon ng isang anti-drug operation.
“So, ang point ko lang is to save this nation Mr. President, kasi nagpipilit kang tumakbong presidente, pinaunlakan ka ng taumbayan. Magpa-drug test po kayo,” ani Paras.
May malaking bilang rin daw ng mga Pinoy ani Paras na tutol sa sobrang pag-kiling ni Marcos Jr. sa Estados Unidos.
At nagagamit raw ang Pilipinas sa proxy war ng US kontra China sa isyu ng pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.
Samantala, nakikita naman ni Paras bilang dating political adviser ng Duterte administration na may hawak na alas si FPRRD laban kay Jr.
Lalo na’t si Duterte ang pinaka-unang nagbanggit na bangag ang kasalukuyang pangulo.
“President Duterte is not a push-over. President, ano ‘yan eh naghahanap ng proper timing ‘yan. Sabi nga niya sa mga ano niya, hindi pa hinog,” saad pa ni Atty. Jing Paras.
Sunod-sunod ngayon ang Maisug Rally sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Sa mga rally, sinasabi ni Duterte ang mga pag-kontra niya sa polisya ng kasalukuyang administrasyon.
Lalo na sa isyu ng Charter Change (Cha-Cha) sa ilalim ng kontrobersyal na people’s initiative (PI).
Saad ni Duterte, term extension ang totoong sadya dito at hindi ang pag-amyenda sa economic provisions ng konstitusyon.
“Pero, siya mismo nakukumbinsi na kasi lumalabas na siya. Siya nga nagsabi na bangag ito si Marcos Jr.,” aniya.
Kapag walang malinaw na tugon sa tanong ng publiko, tiyak ani Paras na titindig ang mga Pilipino.
Dahil sa taumbayan nagmula ang kapangyarihan ng mga nasa pamahalaan.
At nasa taumbayan rin ang kapangyarihan para bawiin ito.
“This might catch fire. In the soonest possible time. ‘Yun ang magiging problema with Duterte as rallying point. Eh lalong mapapabilis ‘yung. It happened to Erap, it almost happened to GMA, it happened to Ferdinand Marcos Sr.,” pahayag pa ni Paras.
