National News
Masungi controversy, pinaiimbestigahan sa Senado
Nanawagan si Senador Alan Peter Cayetano sa Senado na imbestigahan ang pagkansela ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa kasunduan nito sa Blue Star Construction Development Corporation (BSDC) kaugnay ng isang housing project sa Masungi Georeserve.
Sa ilalim ng Senate Resolution No. 1323, nais niyang tukuyin ng Blue Ribbon Committee ang dahilan sa likod ng desisyong ito, lalo na’t ang Masungi ay isang mahalagang protected area na nagsisilbing pananggalang sa pagbaha at pinagmumulan ng malinis na tubig sa Metro Manila.
Iginiit ng senador na ang pangangalaga sa likas na yaman ay isang tungkuling itinatadhana ng Konstitusyon at dapat tiyakin ang transparency at accountability sa pangangasiwa ng pampublikong lupa.
Dagdag pa niya, ang usaping ito ay hindi lamang tungkol sa kalikasan kundi pati na rin sa posibleng pagmamalabis at maling pangangasiwa ng mga pampublikong lupain.
Sa kasalukuyan, wala pang itinakdang petsa para sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee.
