National News
Matinding politika, dahilan ng kaso sa Ombudsman– Mayor Marcy
Kinuwestiyon ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro ang timing ng kasong malversation of public funds na isinampa sa kaniya sa Office of the Ombudsman.
Sa panayam ng SMNI News, saad ni Mayor Teodoro, politika ang motibo ng kaso. “‘Yung timing kaduda-duda lalo’t malapit na ang filing ng certificate of candidacy at kung kailan meron ibang mga kandidatong interesado doon sa aking posisyon.”
Ngayon lang nasangkot sa isyu ng korupsyon si Mayor Teodoro sa hinahaba-haba ng panahon niya sa public service.
Misallocation ng PhilHealth funds na umaabot sa P130M ang bintang sa kaniya pero alam aniya na pakawala ng mga kalaban niya sa politika ang naghain ng reklamo.
“‘Yung kinukuwestiyon nilang pondo ay intact naman at hindi naman nagagamit. Kung malversation, eh, ang isa mahahalagang element ng malversation, eh, yung utilization of public funds. Wala namang utilization of public funds,” ayon sa mayor.
Natapos nang suriin ng Commission on Audit (COA) kung nasaan ang kinukuwestiyon na pondo at ayon kay Mayor Teodoro, intact o walang bawas ang remittance ng PhilHealth sa LGU.
Pahayag nito, “Batay nga sa mga nakaraang audit report, intact pa ito. Ito ‘yung mga remittance ng PhilHealth sa LGU Marikina dahil meron kaming mga dating mga diagnostic services na ginawa during the pandemic na in-avail ng PhilHealth ‘yung services ng city.”
Suportado ng Mayors for Good Governance (M4GG) si Mayor Teodoro na isa sa convenor ng grupo.
Sa isang pahayag, sinabi ng M4GG na buo ang tiwala nila sa local chief executive lalo na’t kilala nila ito bilang mahigpit sa transparency sa government transactions.
Bukod kay Teodoro, nahaharap din sa kaso sa Ombudsman ang M4GG mayors na sina Pasig City Mayor Vico Sotto, at Iloilo City Mayor Jerry Treñas.
Nanawagan ang M4GG sa Ombudsman ng patas na imbestigasyon.