National News
Maynilad at Manila Water, pinatutsadahan ni Sen. Imee Marcos
Pinatutsadahan ni Sen. Imee Marcos ang Maynilad at Manila Water sa patuloy nitong pagpapatupad ng water interruption sa panahong mas kailangan ng taumbayan ng tubig.
Sa isang pahayag, sinabi ni Marcos na nakukumpromiso ang kalusugan ng mga Pilipino maging ang proper sanitation ng bawat komunidad dahil sa paputol-putol na suplay ng tubig.
Aniya ito ang panahon na kailangang gumamit lagi ng tubig tulad na lamang ng paghuhugas ng kamay, paliligo, paglilinis ng mga kasangkapan sa bahay at paglalaba para masugpo ang nakakamatay na Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ipinunto pa ng senador na tila nasanay na lamang ang mga mamamayan sa kapabayaang ito ng 2 water concessionaires at parang lumalabas pa na utang na loob ng mga customer ang pagbabayad sa mga nakonsumong tubig.
Kaya naman panawagan ni Imee Marcos na huwag nang dumagdag pa ang Maynilad at Manila Water sa problema ng bansa bagkus tumulong sa pagbuo ng solusyon patungkol sa COVID-19 crisis.