Metro News
Metro Manila Disaster Council, nakaalerto na rin kontra 2019-nCoV ARD
Nakaalerto na rin ang Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) laban sa posibleng pagkalat ng 2019 Novel Coronavirus Acute Respiratory Disease (2019-nCoV ARD).
Sa kabila nito ay inihayag ni MMDA General Manager Jojo Garcia na walang nakikitang dahilan ang MMDRRMC para mag-panic ang publiko sa banta ng 2019-nCoV.
Tiniyak din ni Garcia, ang kahandaan nila katuwang ang Metro Manila LGUs.
Inihayag naman ni Michael Salalima, Focal Person for Disaster Risk Reduction and Management Office at Metropolitan Public Safety Office Chief na nakahanda na ang mga local disaster risk reduction and management offices sa pagtugon ng ganitong sitwasyon.
“Ang ating local disaster risk reduction and management offices ay sinanay din para rumesponde sa ganitong sitwasyon. Ilang linggo bago pa man ianunsyo na mayroon nang kumpirmadong kaso ng n-CoV sa bansa, nabigyan na ang mga ito ng sapat na orientation para mai-coordinate sa mga ospital kung may hinihinalang kaso ng virus at triaging systems,” ani saad ni Salalima.
Maroong mga emergency hotline numbers naman ang mga LGUs sa Metro Manila na maaaring kontakin ng publiko.
Batay sa inilabas na memorandum ni DILG Secretary Eduardo Año, may kapangyarihan ang isang alkalde na umakto bilang anti-coronavirus information manager, local crisis manager, at environmental health manager upang maipalaganap ang impormasyon ukol sa corona virus at masigurong namimintina ang kalinisan sa kani-kanilang nasasakupan.