COVID-19 UPDATES
Mga alkaldeng hindi magpapatupad ng social distancing, aarestuhin – Pang. Duterte
Nagbalala si Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng mga alkalde sa buong bansa na ipaaaresto kung hindi magpapatupad ng social distancing kaugnay sa ipinapatupad na lockdown bunsod ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Sa kaniyang national address kagabi, nagbanta ang pangulo na kapag naaktuhan niya at nakitang maraming mga tao ang hindi sumusunod sa social distancing ay hindi ito magdadalawang isip na arestuhin ang mga alkalde.
Nanawagan naman ang pangulo sa publiko na manatili na lamang sa kanilang bahay at sundin ang mga ipinatutupad na quarantine protocol.
Manghaharass sa mga frontliners, aarestuhin – Pang. Duterte
Inatasan din ng Pangulong Duterte ang mga otoridad na arestuhin ang mga nanghaharass sa mga health workers.
Ipinag-utos din ng presidente sa mga government hospitals na i-admit ang mga Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) patients.
Binalaan ni Duterte ang mga personnel ng hospital na ire-relieve o sususpendihin kapag hindi sumunod dito.
Kasabay nito, iminungkahi ng Department of Finance (DOF) sa pangulo na bigyan ng cash assistance ang mga nasa middle class partikular ang mga empleyado ng mga small businesses.
Pinapabilis na rin ng pangulo ang pagpapabili ng mga rapid test kits na nagkakahalaga ng mahigit P3-Billion para ito ay agad na magamit na.