National News
Mga biktima ng mga pekeng DBM officials, hinimok ng NBI na lumantad
Nananawagan sa publiko ang National Bureau of Investigation Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD) chief na i-report sa kanila ang anumang transaksyon ng nagpapakilalang opisyal ng Department of Budget and Management (DBM).
Sinabi ni Atty. Jerome Bomediano na ito’y makaraang naaresto nila ang 8 tao na nagpanggap na mga opisyal ng DBM, kabilang ang isang nagpakilalang undersecretary.
Kamakailan, natuklasan ng NBI na isa sa mga suspek ay nagpanggap bilang isang undersecretary ng DBM habang nakikipag-ugnayan sa mga biktima kung saan pinapalakas na siya ay namumuno sa mga espesyal na proyekto sa loob ng ahensya.
Hinikayat umano ng mga suspek ang complainant na pumasok sa mga proyektong nagkakahalagang P1.3-B pero may kondisyong nakapaloob sa kasunduan.
Dahil diyan ay humingi ng tulong ang DBM sa NBI at sa isinagawang entrapment operation ay naaresto ang mga suspek sa Mandaluyong City matapos tanggapin ang marked money na P500-K.
