National News
Mga empleyado ng ABS-CBN, handang tulungan ng DOLE
Handa ang Department of Labor and Employment (DOLE) na tumulong sa mga empleyado ng ABS-CBN sakaling mawalan ang mga ito ng trabaho.
Ito ay sa gitna ng pangamba na magsasara na ang TV network matapos ang paghahain ng Quo Warranto petition ng Office of the Solicitor General laban dito at pagpaso ng kanilang prangkisa sa Marso 30.
Sa panayam ng Sonshine Radio kay Labor Sec. Silvestro Bello, tiniyak nito na naghahanda na sila sa mga maaring ibigay na tulong sa mga maapektuhang empleyado.
Gayunman, naniniwala si Bello na hindi mawawalan ng trabaho ang mga ito dahil karamihan sa mga ito ay talent lamang.
“Iyang mga nagtatrabaho sa ABS-CBN karamihan diyan mga talent. Bihira diyan sa 11,000, bihira mga regular employee. Ganunpaman naghahanda rin kami sa Department of Labor. Maaaring makapagbigay kami ng alternative work o kaya ay mabibigyan namin sila ng emergency employment o kaya mabibigyan din naman sila ng livelihood assistance, ” saad pa ni Bello.
Umaasa naman ang kalihim na magiging wake-up call ito sa media network na napapanahon na para sumunod ang mga ito sa batas para sa manggagawa at gawing regular ang kanilang mga empleyado.