Metro News
Mga hinaing ng hostage-taker sa V-Mall kahapon, dapat imbestigahan ng DOLE
Dapat imbestigahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga hinaing ng sinibak na gwardiya na nang hostage sa V-Mall sa Greenhills, San Juan City.
Ayon sa Defend Jobs Philippines, maraming Pilipino ang mayroong katayuan na gaya kay Alchie Paray na walang Security of Tenure at nakararanas ng unfair labor practices.
Sinabi ni Thadeus Ifurung, tagapagsalita ng labor group na isang eye opener ang kaso ni Paray para tingnan ng pamahalaan ang pangkalahatang kalagayan ng manggagawang Pilipino.
Ang nangyaring insidente aniya ay nagpapakita at nagsasalamin ng hindi magandang kalagayan ng mga manggagawa sa bansa.
Sinabi ng opisyal na dito pumapasok ang kahalagahan ng labor unions kung saan puwedeng maglabas ng kanilang hinaing ang mga manggagawa at may kapangyarihang makipagnegosasyon sa kumpanya.
Una nang sinabi ni Paray na ginawa niya ang panghohostage dahil sa iregularidad sa kanyang pinagtatrabahuhan at pagmamaliit sa mga mababang empleyado.