National News
Mga humarang sa Maisug Rally sa Bustos Bulacan, kakasuhan; Hakbang, suportado ni dating Pres. Duterte
Naglabas ng sama ng loob ang mga convenor ng sana’y Maisug Rally sa Bustos, Bulacan matapos harangin at kalaunay makansela ang kanilang aktibidad. May komento naman dito si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Lumapit sa SMNI Newsteam si Mang Ferdinand matapos maharang sa pupuntahang rally sa Bustos, Bulacan Linggo ng umaga, April 28.
Saad niya, kahit mga tricycle sa Bustos ay ayaw silang pasakayin matapos mag-suot ng t-shirt na sumusuporta sa Maisug Defend the Flag Peace Rally ng mga supporter ni dating Pangulong Duterte.
Kaya sa isang press conference sa San Juan City, ay nagpaliwanag ang organizers ng aktibidad kung bakit hindi natuloy ang pagsasagawa ng mapayapang rally.
Ayon sa co-convenor ng grupo, nanggaling umano sa Malacañang ang pressure sa mga lokal na opisyal ng Bustos para pigilan ang event.
Hinala ng grupo, si Pangulong Bongbong Marcos ang nagpapigil sa peace rally.
“Bakit tila po sindikatong mafia ang datingan? Walang kawala eh!”
“Pagka-sinabi po nating chain of command, hindi gagawin noong nasa ibaba ‘yan nang walang matinding utos sa itaas. Hamakin po ninyo dumman si lieutenant col. pababa po sa police staff sergeant. Sino kaya ‘yung nasa likod ni lieutenant col? It must be the provincial director! Ang tanong, sino po kaya ang nasa taas ni provincial director? It must be the regional director and so on and so on. Ang pinaka-dulo po nito, tatama po to doon sa tinatawag na pinamakataas po sa kanila. And sino po ‘yan? Sino po ‘yan sa tingin ninyo? Ito po ay ang presidente ng Pilipinas! Si BBM!” ayon kay Lead Convenor, Placido Pilosopo.
Saad pa ni Pilosopo, bakit ang mga makakaliwa hinahayaan ngayon ng gobyerno na mag-rally?
Gayong sila sa kanilang grupo ay hindi naman kalaban ng pamahalaan?
At ang nais lamang nila na manawagan sa gobyerno.
“Kami naman po ay hindi naman komunista, hindi naman terorista at lalong-lalo hindi kami kalaban ng gobyerno. Nais lang ho naming ihayag ang damdamin ng taumbayan,” saad pa nito.
Matatandaan na pinarada sa entrance ng venue ng Maisug Rally sa Bustos ang isang trailer truck para hindi makapasok ang organizers at attendees.
Natakot na rin ang supplier ng light and sounds na magpunta dahil sa matinding pressure.
Dagdag pa ayon sa organizers ang pagpapahirap ng local government sa kanila na makakuha ng permit kahit hindi na kailangan.
Hindi naman kasi government land ang venue kundi isang pribadong lote.
“Itong peace rally na isasagawa pinerwisyo ng mga dorobo. Kitang-kita po namin ‘yan kasi nag-tulong-tulong ‘yung hanggang PNP o hanggang ‘yung tao. Imagine ‘yung tao, sino-soli ‘yung pera ayaw na nila talaga-simpleng tao lang sila,” ani Pilosopo.
Para naman kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, labag sa Saligang Batas ang pag-harang ng Bustos LGU sa Maisug Rally.
“Alam mo nasa Constitution iyan, mabigat iyan to peacefully assemble for redress of grievance. It is a Constitutional right of everybody. And you just cannot violate it, kasi magkakaroon ka ng kaso niyan. At ang hatol niyan is dismissal from service,” pahayag naman ni former Philippine President, Rodrigo Roa Duterte.
Kaya ang organizers, pinag-aaralan na ang pagsasampa ng kaso sa lahat ng mga humarang sa aktibidad.
Suportado naman ito ni dating Pangulong Duterte.
“Ako dumaan ng pagka presidente, at nung mayor ako, hindi ko ginawa iyan sa buhay ko. Huwag kayong maghanap ng sakit ng ulo. Kasi pag na-filean kayo ng kaso, si Bongbong Marcos hindi magtatagal diyan, balang-araw bababa iyan ang kaso ninyo, sarili ninyong sakit ng ulo iyan,” dagdag pa ni Duterte.
“So pag ito po pinayagan po natin ito na hindi natin gagawan ng kaukulang legal na aksyon, wala na po tayong kalayaan sa pagsasalita,” pahayag pa ni Placido Pilosopo.
“Hindi ho natin puwedeng palagpasin ang mga ganitong pagkakataon. Meron po tayong mga legal remedies na puwedeng gawin po rito, i-aanounce po namin sa inyo later on kung anong mga planong gagawin,” ayon naman kay Lead Convenor, Bulacan Maisug Rally, Bishop Edwin Maniti.
