National News
Mga insidente ng pagkalunod, ikinababahala ng isang mambabatas
Makaraang masawi dahil sa pagkalunod ng may 37 katao noong Mahal na Araw muling iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian ang kanyang panukalang magtalaga ng lifeguard sa mga public swimming pools at iba pang bathing facilities.
Nakasaad sa Senate Bill No. 1142 o’ Lifeguard Act of 2022 ni Gatchalian magiging mandato sa mga may-ari ng pool na magkaroon ng certified lifeguard bawat public swimming pool.
Kabilang dito ang pool sa mga hotel, inn, motel, condominium buildings, clubhouses at iba pang pampublikong lugar maliban sa mga tahanang para sa isang pamilya.
Sa ilalim ng panukalang batas obligado ang pagkakaroon ng dagdag na lifeguard sa bawat mahigit 250 meters na pool.
Dapat din na may angkop na sertipikasyon ng mga lifeguard mula sa mga pambansang organisasyon na accredited at kinikilala ng Department of Health (DOH).
