National News
Mga konsyumer, magsasaka, ‘di nakinabang sa pinababang taripa ng imported rice – FFF
Tatlong buwan na ang nakalipas matapos pirmahan ni Marcos Jr. ang Executive Order number 62 o ang mababang taripa.
Sa ilalim ng kautusan, ibinaba sa 15% ang taripa sa mga inaangkat na produktong agrikultura mula sa 35% kabilang na riyan ang mga imported na bigas.
Pero sa buwang ito ng Setyembre, nasa P42/kg ang pinakamura at P65/kg naman ang pinakamahal na lokal at imported na bigas.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 40 sentimos kada kilo lamang ang ibinaba sa presyo ng regular at well-milled rice sa merkado.
Sabi ng grupong Federation of Free Farmers (FFF), malayong malayo raw ito sa P7/kg na presyo ng bigas na ipinangako ng pamahalaan
Katunayan, ibinunyag ng grupo na batay sa kanilang kalkulasyon, umaabot umano sa P5 bilyong ang naibulsa o natipid ng mga importer, wholesalers at retailers na buwis.
Ayon kay Leonardo Montemayor, ang chairman ng FFF, “Ito pong limang bilyong piso, ito po ‘yung natipid ng ating rice importers bunga po ng pagbaba ng buwis o taripa na binabayad nila sa imported na bigas.
“So, base sa pumasok na bigas humigit kumulang mga walong daang libong metriko tonelada na ang binabayaran pong mga importer natin ay 15% na lang.”
Ang masaklap sabi ng grupo hindi man lang ito napakinabangan ng mga konsyumer at magsasaka dahil hindi naman bumaba ang presyo ng bigas.
“Sana man lang kung nabawasan na nga ‘yung farmers natin ng limang bilyong piso doon sa Rice Competitive Enhancement Fund sana itong limang bilyong piso na nalikom bilang savings ng ating importers atleast man lang sana ay ipinasa sa ating mga consumer atleast nakinabang sila, pero hindi po eh.”
Dahil nga raw sa pagbaha ng imported na bigas sa nga pamilihan ay bumaba rin ang presyo ng palay.
Aminado naman si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na hindi naman kasi raw agad agad na bababa ang presyo ng bigas dahil sa EO 62.
Karamihan daw kasi sa mga suplay na hawak ngayon ng ilang importers o traders ay mahal pa ang kanilang kuha o binayarag buwis.
Ani Sec. Laurel, “Hindi talaga bababa pa ang presyo ng bigas ng ganung kalaki na lima hanggang pitong piso sa ngayon.
“Dahil naubos lang iyong stocks ng excess na nabili na mahal ang taripa at sa mahal na presyo itong end of August pa lang.
“Itong September naman, ang nako–consume natin ngayon is ang bigas or palay nung nabili noong January to June ng napakamahal ng local traders or local buyers.”
Pagbibigay-diin ni Laurel, kahit papaano’y napakinabangan naman ito ng mga konsyumer dahil sa bahagya umanong pagbaba ng presyo ng bigas.
Gayundin sa mga magsasaka dahil binibili naman ng National Food Authority (NFA) ang palay sa halagang P29 hanggang P30 kada kilo.
“And hopefully, tuloy-tuloy ng pababa iyan by January. Siguro makuha natin at least less 5 pesos by January.”