Metro News
Mga Manilenyo, hinikayat na magparehistro para sa libreng bakuna laban sa COVID-19
Muling hinihikayat ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga residente ng lungsod ng Maynila na magparehistro na para sa libreng bakuna laban sa COVID-19.
Matatandaan na una ng hinikayat ng alkalde ang mga Manilenyo na magparehistro sa pamamagitan ng www.manilacovid19vaccine.com.
Ayon kay Moreno naipasa ang ordinansa ng Manila City Council na pinangunahan ni Vice Mayor Honey Lacuna upang bigyang daan na maglaan ng ₱200 milyong budget ang Manila LGU sa pagbili ng naturang vaccines.
Ang mga medical frontliners ang prayoridad sa nasabing bakuna na susundan naman ng mga senior citizens at sa huli naman ang mga ordinary citizens of Manila.
Tiniyak din ng alkalde na habang bukas ang bakuna ay patuloy pa rin ang libreng serbisyo ng Manila City Government para sa swab at serology testing sa iba’t ibang designated centers ng siyudad.
Muli namang magbubukas ang lahat ng drive-thru at walk-in COVID-19 serology testing centers sa lungsod ng Maynila simula ngayong araw, ika-4 ng Enero, matapos pansamantala isara ang mga ito noong holiday season.
Kasama na rito ang testing center sa Quirino Grandstand, walk-in testing centers sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Tondo, Justice Jose Abad Santos General Hospital, Ospital ng Sampaloc at Ospital ng Maynila.
Maaaring magpa-test ang mga residente mula sa loob at labas ng Maynila mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na ika-8 ng umaga hanggang ika-5 ng hapon.
