National News
Mga nasa likod ng sunud-sunod na bomb threat sa mga ahensiya ng pamahalaan, tinutugis na ng PNP
Nakatanggap ang Philippine National Police (PNP) ng 6 na bomb threats nitong Martes, December 5 sa 6 na ahensiya ng pamahalaan sa Metro Manila. Pero ayon sa PNP, false alert lamang ito.
“Nakikipag-ugnayan na po ang ating PNP Anti-Cybercrime Group doon sa ating foreign counterpart para ma-trace po ang origin ng email na pong ito,” ayon kay PNP-PIO, Chief, Col. Jean Fajardo.
Nagsasagawa na ng kanilang imbestigasyon ang PNP Anti-Cybercrime Group kaugnay sa sunud-sunod na banta ng pambobomba sa bansa partikular na sa mga ahensiya ng pamahalaan.
Nito lamang Martes, December 5, 2023, nang makatanggap ng bomb threat ang isang nagpakilalang Japanese Lawyer na aniyay nagtanim ng mga bomba sa ilang lokasyon sa Manila City Hall kung saan agad na ipinagbigay alam ito sa mga kinauukulan para mawarningan ang mga manggagawa at mga residente malapit sa lugar.
“Noong isang araw po ay sunud-sunod ‘yung ating bomb threat na naitala po natin at ‘yan naman po ay nirespondehan ng lahat ng po ng PNP at nakikiusap po tayo sa ating mga kababayan na mag-ingat po tayo doon sa mga natatanggap na email dahil itong bomb threat na ito ay kino-course through email,” dagdag pa nito.
Nauna nang nabulabog ang mga empleyado at iba pang nangungupahan sa gusali ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung saan naroon rin ang tanggapan ng National Police Commission (NAPOLCOM) sa Quezon City dahil sa nasabing bomb treat.
Ayon sa PNP, peke ang naturang pangalan bagamat tuloy ang kanilang pakikipag ugnayan sa mga awtoridad para pigilan mga ganitong klaseng pananakot.
“At base po sa ating investigation, itong email na po ito lalo na yung Takahiro Karasawa na nagpakilalang na isa diumanong Japanese lawyer peke po ito. In fact, noong September and October ay mayroon din po tayong namonitor through our cybercrime patrolling na paikot-ikot at paulit-ulit lamang ang mga email na ito ay hindi lamang ito limitado sa Pilipinas mayroon din pong umiikot na the same content sa South Korea, Taiwan at China,” ani Fajardo.
Sa huli, nagbabala ang PNP sa publiko laban sa pagpapakalat ng bomb threats na may parusang 5 taong pagkakakulong.
Kumalat ang usaping ito ilang araw matapos ang naganap na pambobomba sa isang gym ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi City noong linggo na kumitil sa buhay ng 4 na indibidwal.