National News
Mga OFWs, walang dapat ikabahala sa banta ng COVID-19
Hindi dapat mabahala ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa banta ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa South Korea.
Sa naging panayam ng Sonshine Radio kay Administrator Leo Hans Cacdac ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), sinabi nito na maayos at isa sa may pinakatanyag na health care system sa buong mundo ang naturang bansang Korea.
Maayos rin anyang naipatutupad ng Korean government ang ilang protocol para labanan ang COVID-19.
Giit pa ni Cacdac na magtiwala lang ang mga OFW sa pamunuan ng SoKor dahil base na rin sa nakarating na impormasyon sa Department of Health (DOH) ay maayos ang kalagayan ng ating mga kababayan doon.
Kumpiyansa rin si Cacdac na hindi pababayaan ng Korean government ang mga Pinoy sa SoKor dahil maayos ang relasyon ng Pilipinas at ng South Korea.
“So, maatas ang antas niya, mataas ang lebel ng kooperasyon at koordinasyon (relasyon ng Pilipinas at South Korea)… Hindi basta-basta mababalewala ito o kaya basta-basta nalang mapapawalang bisa sa pamamagitan ng ban. Kaya’t ganoon na lamang ang tiwala natin sa korean government.” – Administrator Leo Hans Cacdac
Sa ngayon ay naipatupad na ang travel ban sa mga Pinoy tourist na papuntang South Korea maliban na lamang sa mga OFWs, permanent residents at student visa holders.
