National News
Mga pinoy, bawal muna magtungo sa Jeju, South Korea, dahil sa 2019-nCoV
Mas hinigpitan at pinaigting pa ng Bureau of Immigration ang screening o pagsala sa lahat ng mga papaalis ng bansa na dati ay nakatutok lamang sa mga patungong China, Macau at Hong Kong.
Sa ngayon anya, bukod sa mga naturang mga lugar ay hindi na rin nila papayagan ang mga turistang Pinoy na magbiyahe patungong Jeju, South Korea dahil pa rin sa banta ng 2019 Novel Coronavirus – Acute Respiratory Disease.
Sinabi ni Immigration Port Operations Division Chief Grifton Medina na ipatutupad ang bagong polisiya sa travel ban matapos silang nakatanggap ng abiso mula sa Korean embassy sa Maynila na pansamantalang sinuspinde ang visa free entry ng mga Pinoy sa Jeju Island.
Kaugnay nito ay sinabi ni Medina na nagbigay na sila ng kautusan sa lahat ng kanilang immigration officers na huwag papayagan ang sinumang Pinoy na makaalis patungo sa Jeju, maliban na lamang kung mayroon silang visa mula Korean embassy.
Sinuspinde ng Korean embassy ang visa free entry sa Jeju matapos kumpirmahin ng health authorities ng Korea ang unang kaso ng pagkamatay ng patient sa China.
Nilinaw naman ng immigration na hindi lang mga Pinoy ang pinagbawalan ng Korean government na magtungo sa Jeju kundi maging ang ilan pang mga dayuhan.