National News
Mga pulis, pinayuhang mag-water break sa gitna ng matinding init ng panahon
Nitong mga nakaraang araw ay pumalo na sa 42°C pataas ang heat index sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas na epekto ng tumitinding El Niño phenomenon.
At dahil nga sa sobrang init ng panahon, puwedeng magkaroon ng iba’t ibang sakit o karamdaman gaya ng heat cramps, heat exhaustion o heat stroke.
Para sa mga pulis na nakababad sa ilalim ng tirik ng araw, mahigpit na pinaalalahanan ng Pambansang Pulisya ang mga tauhan nito na paminsan-minsan ay sumilong at huwag kalimutang uminom ng tubig.
“Because of ‘yung init ng panahon ang pulis ay tao din na kailangan din sumilong. So ang guidance ng ating Chief PNP sa mga regional commanders ay sisiguraduhin na magiging ligtas din sa heat stroke at sumilong kung kinakailangan,” ayon kay PCol. Jean Fajardo.
Ipinag-utos rin sa mga pulis ang buddy buddy system para matiyak na may kapalitan o ka-relyebo pansamantala ang mga pulis na gusto munang sumilong o magpahinga.
“’Yung buddy system ay ipatupad para from to time ay nakakasilong din ‘yung ating mga kapulisan particularly ‘yung nagpapatrol sa gitna ng araw. Hindi naman sila pinagbabawalan sumilong lalo at nasa katirikan ng araw at paalala ng ating health service na umiikot ngayon para tingnan ‘yung mga kundisyon ng mga pulis natin, although sa mga police posts, mga PADs ay naglagay na tayo doon ng mga water bottle, water canister and water gallons ay para from time-to-time makainom sila but ‘yung mga pulis ang lagi natin paalala to remain hydrated para hindi sila magkasakit,” dagdag pa nito.
Nauna nang ipinaalala ng Department of Health (DOH) ang mga kakaharaping problema kapag nababad sa sobrang init ng panahon ang isang tao.
Kasabay naman ng paggunita ng Araw ng Kagitingan ngayong taon, binigyang pugay rin ng Philippine National Police (PNP) ang kabayanihan ng mga pulis sa gitna ng pagtupad sa kani-kanilang mga tungkulin partikular na ang pagtitiyak ng kaligtasan ng publiko.
“On the part of the PNP ay bibigyan natin ng recognition ‘yung mga kapulisan nating nagpamalas ng kagitingan. Just recently over the weekend may isa naman tayong pulis na nasugatan during sa isang encounter particularly miyembro ng SAF. So far naman ay out of danger ‘yung ating kapulisan but this is a classic example ng mga kagitingan ng ating mga pulis,” saad pa ni PCol. Fajardo.