National News
Mga senador, dismayado sa ginawang pag-aresto kay FPRRD
Isa-isa nang nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang senador sa ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Mula sa mga matagal nang kaalyado hanggang sa mga dati niyang katrabaho sa gobyerno, iisa lang ang kanilang panawagan hustisya at patas na proseso para sa dating pangulo.
Si Senadora Imee Marcos, nakatatandang kapatid ni Pangulong Bongbong Marcos, ay hindi dumalo sa campaign sortie ng Alyansa ng Bagong Pilipinas sa Tacloban City at mariin niyang tinutulan ang ginawang pag-aresto sa dating Pangulo.
Samantala, si Senador Alan Peter Cayetano, na naging running mate ni Duterte noong 2016, ay nagbigay ng pahayag sa isang media interview, ipinagtanggol ang dating Pangulo at binigyang-diin na ayon sa Konstitusyon, kailangan ng arrest warrant mula sa isang korte sa Pilipinas.
Ang pamilyang Villar, kabilang na si Senadora Cynthia Villar, ay nagpakita ng suporta kay Duterte, at iginiit na hindi nila sang-ayon na ibigay ang dating Pangulo sa banyaga.
Si dating Senate President Manny Villar ay labis na nasaktan sa pangyayari, at sinabi niyang inaasahan niyang mabibigyan si Duterte ng pagkakataon na ipagtanggol ang sarili sa ating mga korte.
Si Senador Mark Villar naman, na dating kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng administrasyong Duterte, ay umaasa na nasa mabuting kalagayan si Duterte at hiniling na tratuhin ito nang may patas at malasakit.
Inalala rin ni Senador Juan Miguel Zubiri ang mga makabuluhang proyekto at reporma na ipinatupad ni Duterte, lalo na sa Mindanao, at binanggit ang mga imprastruktura tulad ng mga kalsada, sea ports, at airports na naging bahagi ng tagumpay ng peace process noong kanyang administrasyon.
