National News
Mga sinuspindeng empleyado ng NFA, humiling sa Ombudsman na alisin na ang suspension order
Tumungo sa Office of the Ombudsman, hapon ng Huwebes, ika-14 ng Marso ang ilang mga opisyal at empleyado ng National Food Authority (NFA) mula sa ibat ibang branches nito.
Ito ay upang maghain ng motion for reconsideration sa 6 na buwan na preventive suspension na ipinataw sa kanila ng Ombudsman.
Aabot sa 108 na mga bodegero, branch managers at regional managers ang naghain ng motion for reconsideration.
Ayon sa kanilang legal counsel na si Atty Raphael Rayco, walang basehan ang pagkakadawit ng kanyang mga kliyente sa maanomalyang bentahan ng bigas ng ahensya.
Kaduda-duda rin aniya ang ginawa ng Ombudsman dahil maging ang mga patay, retirado at naka-leave na empleyado ay kabilang din sa sinuspinde ng Ombudsman.
Bukod diyan, karamihan din sa mga empleyado ay nasa listahan ng Ombudsman ay mali ang pangalan at posisyon sa NFA.
Kung kayat, hiling nila na alisin na ang suspensyon lalot maraming empleyado ang biktima rito.
Hindi napigilan ni Anna Marie Amores na maiyak habang ikinukuwento sa SMNI newsteam ang kanyang naramdaman sa pangyayari.
Isa kasi siya sa mga pinatawan ng suspensyon ng Ombudsman.
Para naman kay Jonathan Cabrillas, NFA Assistant Branch Manager ng NFA Camarines Sur, napagkamalang warehouse supervisor, dapat beniripika muna ng Ombudsman ang kanilang mga akusasyon sa mga empleyado bago nagsuspinde.
Samantala, ipinag-utos na rin ni DA Secretary Kiko Laurel Jr., na madaliin ang ginagawang imbestigasyon sa naturang kontrobersya.
Sinabi ni Asec. Arnel De Mesa, spokesperson ng ahensya nais ng kalihim na lumabas ang katotohanan sa kung sino talaga ang may sala.
Ito ay upang maibalik sa trabaho ang maliliit na empleyado at hindi na rin masuspinde.
“Gusto rin ni Secretary talaga na very soon na ‘yung talagang may pananagutan ‘yun talagang mag-pursige sa investigation as soon as possible ‘yung mga hindi naman kasali at wala namang pananagutan. Imagine mo they are under preventive suspension without pay mabigat ‘yun, kung ordinary kayong empleyado kayo ng gobyerno mahirap ‘yun sa kanilang pamilya na kung talagang hindi naman sila directly involved kung ano man ay dapat hindi na sila maisama doon sa suspension,” ani DA, Spokesperson, Asec. Arnel De Mesa.