National News
Mga taga-Angono, solido ang suporta sa DuterTen
Mga taga-Angono, Rizal, ginarantiya kay FPRRD na solido ang kanilang suporta sa 10 kandidato ng PDP-Laban.
Nakiisa ang mga taga-Angono, Rizal sa “Ayusin Natin ang Pilipinas” nationwide campaign rally ngayong araw.
Dinaluhan ito ng iba’t ibang sektor kung saan nagpakita ang mga ito ng solidong suporta sa 10 Team Duterte.
Sa isang mensahe ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi nito sa kanyang mga tagasuporta na kalimutan nalang siya kung hindi susuportahan ng mga ito ang kanyang mga pambatong kandidato sa PDP Laban.
Ito rin ang panawagan ni Pastor Apollo C. Quiboloy sa publiko na bumoto nang straight sa mga kandidatong inendorso ni FPRRD.
Sa mga nakapanayam natin sa Angono, Rizal, gaya ni Teresa, sinabi niya na solido ang kanyang suporta sa sampung kandidato ng PDP-Laban lalo na kay Pastor Apollo C. Quiboloy, “Dahil kailangan mabago lahat, anuhin natin na maayos at matupad ang bisyon ni Pastor na maging zero corrupt.”
“Solid kami tatay Digong, sana makalabas ka na at makauwi ka na sa lugar natin.”
Sambit naman ni Aling Beth, napakahalaga na mag-vote straight upang mawakasan ang katiwalian pati ang matinding hirap na dinaranas ngayon ng mga Pilipino, “Para naman mawala na ang korapsyon, naghihirap tayo ngayon, tingnan mo ang mga bilihin ngayon, ang mahal mahal di ba. At ang gulo ngayon at wala na tayong katahimikan.”
Sabi naman ni Mang Ruben, patung-patong ang suliranin ngayon ang bansa tulad ng talamak na korapsyon, laganap din ang krimen at iligal na droga.
Kaya dapat aniya malukok sa pwesto ang DuterTen, “Ay maraming problema ngayon ang Pilipinas. Mga kurakot sa pamahalaan, krimen, droga, dumami na naman ang krimen at droga.”
Tiniyak naman ni Dinah na pasok ang 10 kandidato ng PDP-Laban sa kanyang listahan dahil alam niyang may paninindigan ang Team Duterte na pangalagaan ang kapakanan ng mga Pilipino, “Yung mga nakikita namin is about, talagang mga lawyers, may paninindigan sa bayan, higit sa lahat against sila sa korapsyon sa droga at kung saan saan pa man na hindi maganda.”
Si Shiela naman, kasabay ng kanyang panawagang ibalik sa Pilipinas si FPRRD, ay nagbigay din ng garantiya na iboboto ang 10 pambato ng dating pangulo, “PRRD, bring back PRRD to the Philippines. Ayusin ang Pilipinas. Wala na, bangag na talaga ang Presidente natin ngayon. PDP Laban, vote straight. Bato, Go, Hinlo, Mata, Salvador. Basta ‘yung Duterte Ten.”
Umaasa din siya na manalo sa Senado lalo na si Pastor Apollo Quiboloy, “Sana manalo siya para makamit niya ang hustisya sa ginawa sa kanya ngayon na talagang ginigipit siya ng pamahalaan ngayon kasi nga malapit sila eh ni FPRRD. So mula sa mataas na posisyon na kadikit ni PRRD hanggang sa pinakababa, ginigipit ng gobyernong Marcos ngayon. Kaya dapat manalo, PDP, PDP-Laban tayo lahat. Vote Duterte Ten. PRRD bring back home.”
Kumpyansa naman si Emma sa malinis na layunin ng DuterTen para sa ikauunlad ng bansang Pilipinas, “May kakayahan at maraming attorney, malinis ang kanilang mga adhikain. Iisa po ang kanilang layunin lalo na si Pastor Quiboloy.”
Samantala, inihayag ni Francisco Gulane Spokesperson ng Rizal Volunteers For Change, na mahalaga na suportahan kung sino ang mga ini-endorso ni FPRRD dahil ito ang paraan upang matiyak na hindi mai-impeach si Vice President Sara Duterte, “Totoo, tama yung sinasabi ng ating mahal na pangulo na kalimutan na lang siya kung hindi natin suportahan ang in-endorse niya na sampung kandidato sa PDP Laban kasi yun lang ang pag-asa. May main objective ang presidente natin lalo na sa mahal na vixe president. Siya’y ini-impeach. That is a political persecution. Political persecution yang nagaganap ngayon.”
Ang grupong Rizal Volunteers For Change ay kabilang sa mga nakiisa sa “Ayusin Natin ang Pilipinas” nationwide campaign rally ngayong araw.
Nakilahok din ang iba’t ibang sektor tulad ng Muslim community, grupo ng mga kabataan at iba pa.
Masigasig ding nakikiisa ang mga tagasuporta sa pagsayaw at paghiyaw para sa kanilang mga pambatong kandidatong senador sa darating na halalan sa Mayo.
Si Pastor Apollo C. Quiboloy at ang 9 pang kandidato ng PDP-Laban ay nagbigay ng katiyakan na ipagpapatuloy ang mga programa’t proyekto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipagpapatuloy din ng PDP-Laban slate ang Tatak Duterte na serbisyo at liderato at ipadarama ang tunay na malasakit sa publiko.
