COVID-19 UPDATES
MMC, kinokonsidera ang pagtaas ng quarantine restriction sa NCR Plus
Inihayag ng Metro Manila Council (MMC) na kinokonsidera nila ang pagtaas ng quarantine restriction sa NCR Plus.
Ito ay dahil sa mabilis na hawaan ng Delta variants sa bansa.
Matapos ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikahuling SONA na hinihintay na lamang nito na ipatupad ng Inter-agency Task Force (IATF) ang lockdown sa buong NCR Plus dahil sa banta ng Delta variants.
Kasunod nito, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, magpupulong bukas ang mga alkalde sa Metro Manila hinggil sa ipatutupad na lockdown sa NCR plus areas.
Ang nasabing granular lockdown ay maaring pwedeng isa bahay lang o isang floor ng condominium o isang barangay at magdedepende ito sa clustering.
Sinabi pa nito, isa sa mga kinakailangang gawin ng mga alkalde ay ang pagpapakain sa umaga, tanghali at gabi sa mga residente na apektado ng granular lockdown.
Kaugnay rito, nakikiusap naman si Abalos sa mga nakararamdam ng sintomas ng COVID-19 na boluntaryong pumunta sa mga ospital at huwag ng mag-antay pa ng mga contact tracers.
Ito ang kanyang naging hinaing matapos ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID.
Aniya, matindi ang banta sa kalusugan ang dala ng Delta variants dahil mabilis ang transmission na aabot sa 8 ang hinahawaan kung ikukumpara sa naunang virus na aabot sa 2 lamang.
Batay sa pag-aaral ng mga eksperto na ang incubation ng iba’t-ibang variants ay napakabilis at hindi kamukha ng naunang virus na ilang araw pa bago mahawaan ang isang indibidwal.
Isa sa mga nakikitang solusyon ni Abalos na magpapabilis sa pagtukoy sa mga nagpositibo ay ang pagpapalawak sa mga contact tracers sa iba’t-ibang lokalidad.
Aabot naman sa 5,775 contact tracers ang ibinigay ng Department of Labor and Employment(DOLE) sa pangunguna ni Sec. Silvestre Bello III, maliban pa ito sa mga contact tracers ng bawat lungsod sa Metro Manila.
Binigyang diin pa ni Abalos na ang kanilang desisyon ay naka-base sa rekomendasyon ng mga health experts at economic team.