National News
MMDA, pinalawig ang hindi paniniket sa mga e-bike at e-trike
Makaraang magtapos ang extention na ipinagkaloob ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. noong Mayo 18, pinalawig ng 1 linggo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paninita at hindi paniniket sa mga e-trike at e-bike at iba pang light vehicles na dumadaan sa mga national roads.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Romando Artes, patuloy na magpa-paalala ang kanilang mga tauhan sa mga driver ng e-bike, e-trike, maging mga tricycles, pedicabs, pushcart at kuliglig na iwasang dumaan sa mga national, circumferential at radial roads.
Ang 1 linggong palugit ani Artes ay magbibigay daan sa mga may-ari at driver nito na mag-comply sa rehistrasyon at pagkuha ng drivers license.
Paalala ng opisyal, mai-impound ang mga unit kung walang rehistro at lisensya sa sandaling magsimula ang pagpapatupad ng regulasyon sa susunod na linggo.
Kaugnay nito nagsagawa naman ng information drive ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila para sa alternatibong ruta na maari nilang daanan.
Samantala, ang mga naimpound na unit noong nakaraang buwan sa unang araw ng implementasyon ay nairelease na at hindi pinagbayad ng multa.
