National News
MRT at LRT, may mga pakulo ngayong Valentines Day
Extended ang biyahe ng mga tren ng LRT line 1 ngayong araw para sa pagdiriwang ng Valentines Day.
Sa abiso ng LRT-1, mula alas 10 ng gabi pinalawig pa ang last trip mula Baclaran ng hanggang alas 11 ng gabi.
Mas mahaba din ng 1 oras ang alis ng last train mula Roosevelt na sa normal na araw ay hanggang alas 10:15 ng gabi.
Layon ng naturang hakbang na maserbisyuhan ang mga gagabihin sa pag-uwi.
Paalala naman ng LRT-1, para lamang ito ngayong Valentines Day at agad ding balik sa normal schedule ang biyahe ng kanilang tren bukas, Pebrero 15.
Samanta ang MRT-3 at LRT-2 ay mamamahagi naman ng mga bulaklak, chocolates, mugs at kung anu-ano pa sa mga pasahero nito ngayong Valentines Day.
Bilang pakiki-isa sa pagdiriwang ng araw ng mga puso, naghanda ng Malasakit Help Kits na ipamimigay ang pamunuaan ng MRT-3 at LRTA.
Naglalaman ng chocolates, tubig at alcohol ang kits na ipapamahagi ng Mrt-3 habang may lamang valentines mug, tubig, chocolates at wet tissue ang kits ng LRT-2.
Mayroon ding mga rosas na ipamamahagi sa mga babaeng pasahero ngayong araw.