National News
Muslim community, nananawagang bumaba na sa puwesto si PBBM
Bibihira mong makita ang mga kapatid nating Muslim na pupunta sa kalsada’t dadalo sa mga rally bitbit ang mga karatola sabay sigaw ng mga hinaing nila laban sa gobyerno.
Pero sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, ilang beses nang namataan ang mga kapatid nating Muslim sa mga kilos protesta at ginagamit ang kanilang karapatan na magsalita at ipinapakita ang kanilang mga saloobin laban sa pamahalaan.
May 7, araw ng Martes, dumalo sa ginawang rally sa labas ng Senado ang ibat-ibang grupo kasabay ang ikalawang public hearing ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na kung saan kasama sa iniimbestigahan si Marcos Jr.
Ang nasabing rally ay pinangunahan ng Marcos Resign Movement.
Sa panayam ng SMNI News kay Roland Olamit, Chairman, MNLF Davao City, sinabi nito na hindi na mapigilan ang mga kapatid nating Muslim kaya sila sumasali sa mga rally.
Aniya hindi na mapigilan ang ating mga kababayang Muslim na iparating sa gobyerno ang kanilang mga hinaing.
Sinabi nito na nagkakaisa ang mga Muslim sa panawagang pababain na sa puwesto si Pangulong Marcos.
“Gusto na naming sumali nanawagan na sila kung maaari resign na ang ating presidente hindi na maawat ang mga tao kasi narinig nila ang chant ng nga tao Bongbong resign,” ayon kay Chairman, MNLF Davao City, Roland Olamit.
Para naman kina Nylene Mama at Mariam Manto, hindi na nila kaya ang hirap na dinaranas dahil sa sobrang mahal ng bilihin kaya sila sumali sa rally ng Marcos Resign Movement.
Nais din nilang iparating sa gobyerno ang tanong kung nasaan na ang pangako ni BBM noong nangangampanya pa ito.
Nasaan na raw ang pangako ng murang bigas?!
“Kasi po sobra na eh nakakainip na sobra na nakakainip na ‘yung pamamalakad ni BBM hindi po namin ramdam tsaka ang taas po ng bilihin lahat lalo na po ‘yung bigas hindi na po namin kayang bumili ng bigas na ganun kamahal kasi ‘yung pangako niya na P20 na bigas hindi po natupad,” ayon kay Nylene Mama, Muslim Community.
“Ang gusto lang namin ng taong bayan na tuparin ang sinabi niya na kung siya ang makaupo na bababa ang lahat ng bilihin pero hindi natupad ‘yun halimbawa ‘yung bigas eh lalong tumaas may 70 may 80 po,” ayon kay Mariam Manto, Muslim Community.
Sa tanong kung bakit hanggang ngayon ay umiiwas ang pangulo na sagutin ang isyu patungkol sa pagkakasangkot nito sa iligal na droga ito ang sinagot ng mga kapatid nating Muslim.
“Siguro ayaw pa niyang maipit siya kaya umiiwas siya.”
“Harapin niya ang hamon ng taong bayan ito parami ng parami ang mga nananawagan,” dagdag ni Roland Olamit.
“Simple lang naman ang hiling ng mga tao eh magpa-drugtest po siya para san malalaman kung nagsasabi po siya ng totoo na hindi po siya adik.”
“Kasi wala na po siyang lusot eh halatang-halata kahit wala na pong drug test makikita mo naman sa kilos niya at tsaka ‘yung mga desisyon po niya paliko ng paliko,” dagdag naman ni Nylene Mama.
Sa huli sinabi ng mga kapatid nating Muslim na dahil sa patuloy na pag-iwas ni Pangulong Marcos sa isyu ay wala na anila itong kakayahan pang mamahala sa sa ating bansa.
“Sa tingin po namin wala na po kasi ayaw niya magpa-drug test ibig sabihin totoo ang sinasabi ng taong bayan na siya po ay adik,” ani Mama.
Ayon sa grupo hindi lang ito ang una at huli na magsasagawa sila ng ganitong rally hanggat hindi akila bababa sa puwesto si BBM hindi rin sila hihinto sa mga ginagawang rally.
