National News
Nagjo-jogging na mga pulis sa tapat ng KOJC, halatang nananakot
Muling ginambala ng mga pulis ang taimtim na pananalangin ng mga misyonaryo ng The Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
5:00 ng umaga nitong Martes, Agosto 13 nang dumaan ang daan-daang nag-jojogging na mga naka-full battle gear na pulis sa tapat ng KOJC Compound sa Davao City.
Gaya ng madalas nilang gawin, mga mata lang ang tanging nakikita at nananatiling tinatakpan ang name plates.
Sa panayam ng SMNI News kay Sen. Bato dela Rosa, bagama’t hindi mapipigilan ang nais ng mga pulis na mag-jogging dahil ito ay pampublikong kalsada, malinaw parin aniya ang kanilang pakay.
Ayon kay Sen. Bato, “Halata naman- masyado talaga. Kung ano ang purpose niyan, kundi iintimidate kung sino dapat ang iintimidate. Sige lang. Take and take lang tayo. Take and take lang tayo. Nothing is forever.”
Matatandaan na ginawa rin nila ito sa Brgy. Tamayong kung saan matatagpuan ang Prayer Mountain , isa sa mga KOJC religious compound na kasama sa nilusob noong Hunyo 10, 2024.
Nagsawa sila ng foot patrol sa nasabing barangay at wala ring imik nang tanungin kung ano ang kanilang pakay.
Samantala, pinuna rin ng senador ang labis na pwersang ipinapakita ng mga pulis sa lungsod.
Mistulang kinakalaban na aniya ang mga Dabawenyo dahil lang sa kagustuhang maaaresto si Pastor Apollo C. Quiboloy.
“In their quest na maaresto si Pastor Apollo C. Quiboloy, halos lahat na ng tao ng Davao, kinakalaban na nila, hina-harass na nila at kanila nang ina-antagonize. Mali na approach ‘yan. Maling mali na approach na ‘yan”, paliwanag ni Sen. Bato.
Matatandaang madaling araw ng Hunyo 10, 2024 nang lusubin ng pinag-sanib na pwersa ng Philippine National Police-Special Action Force-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-SAF-CIDG) ang apat na religious compound ng KOJC.
Nagdulot ito ng takot at trauma sa mga misyonaryo at mga bata.
Nagresulta rin ito sa pagkasawi ng dalawang miyembro ng B’laan tribe sa Kitbog, Sarangani Province.
Agosto 5, 2024 nang lusubin rin ng mga pulis ang KOJC farm sa Brgy. Tamayong kung saan sinira nila ang mga kabahayan ng KOJC missionaries.
Hindi pa nakuntento ay pinadapa at tinutukan rin ang mga ito ng baril.