National News
Nagpakilalang army officer na sangkot sa isang road rage incident sa Makati, pinapahanap na ng DILG sa PNP
Mahigpit na ipinag-utos ni Interior Secretary Benhur Abalos sa Philippine National Police (PNP) ang manhunt laban kay Angelito Rencio na nagpakilalang army reserve officer matapos na itoy masangkot sa isang road rage incident laban sa isang Police Sergeant Marlon Dolipas sa Makati City.
Nangyari ang road rage incident noong August 25, 2023, nang sinubukang arestuhin ni Dolipas si Rencio dahil sa nakitang may nakasukbit na baril sa tagiliran nito.
Tumagal ng bahagya ang paghuli kay Rencio dahil ayaw itong makipagtulungan sa mga awtoridad.
Kalaunay nagpakilalang miyembro ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) si Rencio mula sa isang civic organization ID.
Para kumpirmahin ang totoong pagkatao ni Rencio, pinauwi ito sa kanyang bahay para kunin ang supporting documents na magpapatunay na siya nga ay isang dating miyembro ng AFP, ngunit hindi na ito bumalik sa pulisya.
hinala ni Abalos, posibleng matagal nang ginagamit ni Rencio ang pangalan ng AFP.
“Maaaring matagal nang nagpapanggap na miyembro ng ISAFP itong si Rencio at baka marami nang kalokohang ginawa ito. I therefore direct the PNP to hunt down Rencio na hulihin itong si Rencio para harapin ang mga kasong isasampa sa kanya,” ayon kay DILG, Sec. Benhur Abalos.
Nangako naman ang PNP na agad nilang titingnan ang insidente kasabay ng pagkwestiyon sa PNP Makati kung bakit hinayaan rin nitong makabalik sa bahay si Rencio dahil lamang sa ipinakitang ID na hindi naman anila opisyal.
Ayon naman sa PNP, bagamat tama naman ang ipinakitang akto ng police officer sa paghuli nito kay Rencio, pero mahigpit pa rin nilang pag-aaralan ang buong sitwasyon kung paanong nauwi sa gulo ang nasabing insidente.
Sa ngayon, nasa kostudiya muna ng PNP ang baril na dala ni Rencio at kung may sapat namang katibayan o lehitimong dokumento na magpapatunay na ligal ang trabaho at pagkakakilanlan nito.
