National News
NAIA Lost and Found, ipinamahagi sa nasunugan sa Parañaque
Mahigit 400 katao ang nawalan ng tirahan matapos ang isang sunog sa Barangay BF Homes, Sucat, Parañaque City.
Sa gitna ng trahedya, nagbigay ng tulong ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga hindi na-claim na gamit mula sa Lost and Found section ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Alinsunod sa Memorandum Circular No. 05, Series of 2021, ang mga gamit na hindi na-claim sa loob ng anim na buwan ay inililipat sa mga kawanggawa.
Noong Marso 25, namahagi ang MIAA ng 500 eco-bags na naglalaman ng damit, sapatos, at bag sa mga biktima ng sunog sa isang covered court sa Masville.
Ayon kay MIAA General Manager Eric Jose Ines, bahagi ito ng kanilang Corporate Social Responsibility (CSR) program upang matiyak na ang mga hindi na-claim na gamit ay mapakinabangan ng mga nangangailangan.
Dagdag pa niya, patuloy nilang susuportahan ang mga komunidad, lalo na sa panahon ng sakuna.
