National News
Nakukuhang benepisyo sa PhilHealth, ‘di tugma sa kontribusyon
“Kung ano ang itinanim, dapat ganoon din ang aanihin o higit pa.”
Ito ang muling panawagan ni Senate Committee on Health Chairman Senador Bong Go sa kanyang nagpapatuloy na Bantay PhilHealth social media posts.
Kasunod ng kanyang privilege speech sa Senate plenary kamakailan, muling iginiit ni Sen. Go sa pamunuan ng PHilHealth na dapat ay commensurate o katumbas ng kontribusyon na ibinayad ng mga miyembro ang benepisyong matatanggap nila kapag na-ospital.
Sa katunayan aniya, samo’t saring reklamo ang kanyang natatanggap tungkol sa ‘di umano’y pagka-lugi ng maraming PhilHealth contributors dahil sa napakaliit na kaltas sa hospital bill.
Sa kanyang speech, binanggit pa ni Sen. Go ang kaso ng isang Sir Walter na dating provincial health officer ng Bicol Region.
Sa kabila ng adbokasiya ni Sir Walter para i-promote ang PhilHealth sa kanyang mga nasasakupan at sa kanyang lifetime contribution na umabot sa P200,000K, tila mismo siya ay hindi nakaligtas sa ‘di umano’y kulang na benepisyo mula sa state health insurer.
Kwento ng senador, dahil sa tinamong pancreatic cancer ay umabot sa P10M ang hospital bill ni Sir Walter.
Ikinagulat naman ng mga nasa plenaryo noon nang banggitin ng senador ang kinaltas ng PhilHealth sa bayarin ni Sir Walter dahil P60K lamang ito mula sa P10M hospital bill.
Sa kasamaang palad, pumanaw si Sir Walter kamakailan ayon kay Go.
Sa susunod na linggo ay muling sasalang ang PhilHealth sa pagdinig ng Senate Health Committee.
Nauna nang nangako ang PhiHealth sa senador na aayusin na nito ang kanilang serbisyo at mga benepisyo.