National News
Nakumpiskang mga baril sa loob ng Bilibid, ibinenta umano ng mga taga-BuCor
Iba’t-ibang uri ng mga baril at mga bala ang narekober sa paglilinis na ginagawa ng Bureau of Corrections (BuCor) sa New Bilibid Prisons (NBP).
Ayon kay BuCor Dir. Gen. Gregorio Catapang Jr., walong 45 caliber, 2 caliber 40, shotgun, mga sumpak at iba’t-ibang uri ng mga bala ang nakita sa pagtatanggal o paggiba sa mga kubol sa Bilibid.
Inamin naman umano ng mga bilanggo na mismong mga tauhan ng BuCor noong nakalipas na mga administrasyon ang nagpasok ng mga baril na ibinenta sa mga preso.
Samantala, bukod aniya sa mga baril ay nakakumpiska rin ng mga droga ang BuCor na nakatago sa mga kubol at ito ay kasama sa kanilang iniimbestigahan upang matukoy ang mga sangkot sa pagpasok ng mga baril at droga.
Nilinaw naman ni Catapang na hindi pa malinaw kung kaninong liderato naganap ang pagpapasok ng mga baril maging ang mga droga.
Sa ngayon ay nasa 80% na umano ng mga kubol ang nabaklas na o inalis ang mga dingding para makita at mapigilan ang mga iligal na aktibidad at transaksyon na nagaganap sa loob.
