National News
Nangyayari ngayon sa SMNI, nakababahala – Atty. Roque
Nagpahayag ng pagkabahala si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque kaugnay sa resolusyon na inihain sa Kamara laban sa Sonshine Media Network Int’l (SMNI).
Matatandaang ipinatawag sa Kamara ang SMNI matapos magpahayag ang isa sa mga program anchor nito na umabot na umano sa P1.8-B ang travel expenses ng Office of the Speaker.
Sa naging pagdinig nitong November 30, ay nilinaw ng host nito na si Jeffrey “Ka Eric” Celiz na ang nasabing pahayag ay tanong lamang at hindi akusasyon.
Ani ka Eric, ang nakuha niyang tanong ay galing umano sa kanyang mapagkakatiwalaang source at mula sa isang unlisted number kaya naibato niya ito sa ere habang live broadcast.
Samantala, naihayag din sa nasabing pagdinig na batay sa record ng house, ang travel expense ng Office of the Speaker ay nasa higit P4-M samantalang P39-M naman ang kabuuang travel expense ng Kamara.
Kaugnay nito ay binigyang-diin ni Roque ang kahalagahan ng demokrasya at nanawagan na respetuhin ang tanong ng taumbayan.
Binigyang-diin din ni Roque na ang papel ng media ay magmasid at magbantay para sa taumbayan at unconstitutional ito kung ang intensyon ng Kamara ay takutin at supilin ang SMNI.
Samantala, inaasahan na sa araw ng Martes, December 5 ay ipagpapatuloy ng nasabing komite ang pagtalakay sa mga nasabing resolusyon laban sa SMNI.