National News
Napabalitang impeachment complaint vs VP Sara, kinuwestiyon ng isang political strategist
Kinuwestyon ng isang political strategist ang basehan ng nilulutong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam ng Sonshine Radio kay Malou Tiquia, wala itong nakikitang dahilan para ma-impeach si VP Sara kung ang pagbabatayan ang P125-M na confidential funds na tinanggap ng Office of the Vice President (OVP) mula sa Office of the President noong 2022.
Ngayong Huwebes, November 16, 2023, ay kinumpirma ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na napag-uusapan umano ng ilang political party leaders at mambabatas sa Kamara ang posibleng paghahain ng impeachment complaint laban kay VP Sara.
Igiit naman ni Tiquia, ginugulo lang ng mga makakaliwang mambabatas ang publiko sa pagkwestyon ng confi fund ng OVP.
Matatandaang pinagpapaliwang sa Kamara ng Makabayan Bloc si VP Sara hinggil sa P125-M confidential funds na anila’y mabilis na ginastos ng OVP.
Sinabi naman ni Tiquia na tila fishing expedition ang ginagawa ng Makabayan Bloc congressman lalo’t wala naman silang sapat na katibayan na may anomalya sa paggasta ng naturang confi funds.
