Regional
NB Cooking Oil Trading bodega sa Isabela, sinalakay dahil sa recycled na mantika
Arestado ang 3 tauhan ng NB Cooking Oil Trading kasunod ng ikinasang raid ng mga tauhan ng PNP-CIDG sa bodega nito sa Brgy. Buenavista, Santiago City sa Isabela.
Ito’y matapos makakuha ng impormasyon ang mga awtoridad tungkol sa ilegal na pagbebenta ng NB Cooking Oil Trading ng mga recycled na mantika.
Tumambad sa raiding team ang nasa 173 galon ng mantika, mounted storage, mga truck na ginagamit sa delivery na may katumbas na halagang P3.5-M.
Timbog ang sinasabing manager ng kumpanya, cashier, at delivery worker nito.
Agad na isinara ng mga tauhan ng Food and Drug Administration (FDA) ang naturang bodega dahil sa paglabag nito, partikular na sa isinasaad sa FDA law.
Pinaalalahanan rin ng mga awtoridad ang publiko na maging mapanuri sa mga mantikang ginagamit sa mga tahanan dahil maaaring magdulot ito ng banta sa kalusugan ng mga konsumidor nito.
