Metro News
Number coding scheme sa NCR, suspendido sa selebrasyon ng Eid’l Fitr
Suspendido ang pagpatutupad ng Modified Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme mula 5pm hanggang 8 pm sa Mayo 3, martes, o ngayong pagdiriwang ng Eid’l Fitr o pagtatapos ng ramadan.
Ibig sabihin, ang mga sasakyang may plakang nagtatapos sa 3 at 4 na sakop ng coding tuwing martes ay maaaring bumiyahe sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila sa coding hours na mula 5 pm hanggang 8 pm.
Samantala, nilinaw naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mali ang kunakalat na infographic kung saan nakasaad na ipatutupad ang bagong number coding scheme simula May 1.
Sa kasalukuyan, nananatili pa rin ang pagpatutupad ng modified number coding scheme mula 5 pm hanggang 8 pm mula lunes hanggang biyernes, maliban tuwing holidays.
Ayon sa ahensya, wala pang pinal sa mga panukalang modification sa number coding scheme at patuloy ang pag-aaral nila ukol dito.
Kung sakaling may pagbabago sa polisiya, dapat ay aprubado ito ng mmda at ng Metro Manila Council.