National News
OFWs na apektado ng travel ban dahil sa 2019-nCoV, tutulungan ng POEA at DOLE
Nakahandang tumulong ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga manggagawang Pinoy na apektado ng temporary travel ban mula at papunta sa China at Special Administrative Region (SAR) nito.
Ayon kay Bureau of Immigration Spokesperson Dana Sandoval, maaaring makipag-ugnayan ang mga OFWs sa POEA at DOLE upang mabigyan ang mga ito ng assistance na makipag-usap sa kanilang mga employers.
“I’m sure po naiintindihan din po ng mga employers nila na temporarily po hindi po muna sila maide-deploy because of this ban. Kasi even for other countries they implemented something similar. So it’s a global trend ngayon na gawin po ito for each country to protect themselves against this virus,” saad ni Sandoval sa panayam ng Sonshine Radio.
Nanawagan naman si Sandoval sa mga Pinoy na nagbabalak na bumiyahe ng China na ipagpaliban muna ito lalo na kung hindi naman ito importante hangga’t hindi nareresolba ang isyu kaugnay ng 2019-nCoV.
“Talagang pag-ingatan po natin ang ating mga sarili. Sundin po natin yung mga recommendations ng Department of Health on how to protect ourselves, hygiene, proper handwashing, use of sanitizers. Let’s all follow po yung mga sinasabi ng World Health Organization and DOH para po maprotektahan natin ang sarili natin at isa’t isa,” dagdag pa ni Sandoval.