National News
Oposisyon, pupulutin sa kangkungan sa tambalang BBM-SARA – Marcoleta
May paglalagyan ang oposisyon sa tambalang BBM-Sara para sa 2022 elections.
Ito ayon kay Deputy Speaker Rodante Marcoleta sa kasalukuyang political drama ngayon sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Marcoleta na alinman kina Bongbong Marcos at Davao Mayor Sara Duterte ang tatakbong pangulo ay tiyak na malaking dagok ito sa oposisyon.
Diin niya, kahit magkaroon ng BBM-Sara o Bongbong for President at vice si Sara o Sara-BBM o pangulo si Sara at vice si BBM ay parehong maliligalig ang oposisyon.
“Alinman sa dalawa ang mangyari, kung si Bongbong Marcos ang tatakbong presidente at papayag si Sara Duterte-Carpio na maging bise presidente o kaya naman ay baligtarin, parehong maliligalig ang mga nasa oposisyon sapagkat alinman sa dalawang ito ang maging final combination, may kalalagyan na ang oposisyon. Palagay ko ay papunta na lang sila sa kangkungan.”, pahayag ni Deputy speaker Rodante Marcoleta.
Tiniyak rin ni Marcoleta na pupulutin sa kangkungan ang oposisyon alinman man ang pinal na kombinasyon na kalalabasan ng lahat.
Matatandaan na kahapon ay nagbitiw na bilang miyembro ng Hugpong ng Pagbabago regional party si Mayor Sara.
Sa kapareho na araw ay nanumpa naman siya bilang pinakabagong miyembro ng Lakas-CMD.
Sa isang panayam kahapon, suporta naman ang panawagan ni Mayor Sara sa supporters niya.
“Nagpapasalamat ako sa mga supporters ko and I hope na kung ano man ang mangyayari sa mga sumusunod na araw ay maibigay ko sa kanila kung ano man ang gusto nila.”
Umaasa naman ang mayora na maibibigay niya ang kagustuhan ng kanyang mga taga suporta sa kanyang gagawing desisyon sa paparating na eleksyon.
Nitong Huwebes, Nov. 11 ay nagkasama naman sina Sara at BBM sa isang wedding event sa Cavite.
Kung saan magkasama pa silang naglakad sa wedding entourage.
Dumalo rin sa kaparehas na event si PDP-LABAN Presidential candidate Ronald “Bato” Dela Rosa.