National News
OVP budget hearing ng Kamara, sinita ng isang kongresista
Sinita ni Sagip Party-list Rep. Rodante Marcoleta ang ginawang budget hearing ng Kamara sa mahigit P2B na proposed budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025.
Ani Marcoleta, hindi nirerespeto ng mga kongresista ang tradisyon ng pagbibigay galang ng appropriations panel sa ikalawang mataas na pinuno ng bansa.
Iginiit pa ni Marcoleta na kung hindi man nila gusto si VP Sara Duterte, dapat parin nilang respetuhin ang OVP.
Nagmosyon din si Marcoleta na i-terminate ang deliberasyon para bigyan ng “parliamentary courtesy” ang OVP ngunit kinontra ng mga kongresista at ipinagpatuloy ang pagdinig kahapon, Setyembre 10, 2024.
Samantala, hindi na sinipot ni VP Sara Duterte ang nasabing hearing at nagpaabot na lamang ito ng sulat.
Iginiit ni VP Sara na naipahayag na ng OVP ang posisyon nito sa unang pagdinig noong Agosto 27.
Mababatid na sa unang OVP budget hearing ay tumangging dumipensa ang pangalawang pangulo at ipinaubaya na lamang nito sa komite ang magiging desisyon hinggil sa 2025 proposed budget ng ahensiya.