National News
P2.5-B ayuda para sa 500,000 manggagawa, tiniyak ng DOLE ngayong linggo
Tinitiyak na ng Department of Labor and Employment (DOLE) na matatanggap na ngayong linggo ng halos 500,000 workers sa bansa ang nasa 2.5 bilyong pisong cash aid para sa formal at informal workers na apektado ng enhanced community quarantine.
Sa panayam ng Sonshine Radio kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nangako itong makukuha na ng 321,000 manggagawa mula sa formal sector ang P1.6 billion one-time cash assistance mula sa pamahalaan habang matatanggap naman ng informal sector workers ang halos nasa P1-B.
“Huwag po kayong mag-alala, ang pangako sa akin nung aking Assistant Secretary for Local Employment, bago magtapos itong linggong ito ay yung 321,000 na formal workers ay mababayaran na. Maibabayad na yung P1.6-b, mababayaran na yung mga formal worker. at yung mga informal workers naman, yung 235,000 of them ay mababayaran din sila. Halos P1-B po ang ibabayad sa kanila,” paghahayag ni Bello.
Una nang humingi ng paumanhin ang Labor Department sa mga manggagawa na hindi naisama sa Covid-19 Adjustment Measures Program o CAMP dahil sa kakulangan ng budget noon.
Pero sa ngayon, nakapag-abot na ng tulong ang DOLE na nagkakahalaga ng halos P1.3-B ang ahensya sa 264,079 formal workers at pinoproseso pa sa ngayon ang target nilang higit 300,000 workers ngayong linggo.
“Sa katunayan nga, as of today (April 21), meron na kaming nabigyan 264,079 na formal workers. Yun po ay nagkakahalaga ng P1, 320,395,000. meron pa kaming pinoproseso at babayaran na mga 3“Sa 25,975 na workers and this will involve P1,610,000,000,” paliwanag ni Bello.
Samantala, wala dapat ipag-alala ang mga nag-apply sa cash aid na posibleng hindi makatanggap mula DOLE dahil ibibigay naman ang mga ito sa ibang programa ng Department of Finance at SSS.