National News
P20 kada kilo ng bigas, makakamit kung malakas ang produksyon ng palay – NEDA
Posible pa rin na maisakatuparan ang pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing P20 ang kada kilo ng bigas.
Ito ang inihayag ni National Economic Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan sa Malacañang press briefing nitong Miyerkules, August 23, 2023.
Gayunpaman, iginiit ni Balisacan na makakamit lamang ang target na presyo na ito kung mapabuti pa ang produktibidad ng agrikultura.
Hindi naman nagbanggit ng deadline ang kalihim kung kailan ito maisasakatuparan, sabay iginiit na hindi kakayanin ng isang gabi o overnight lamang na agad na maibaba ang presyo ng bigas.
Saad ng NEDA chief, sa ngayon, marami pang “catching up” na gagawin ang gobyerno pagdating sa paggawa ng mga investment dito.
Mangyayari aniya na mapalakas ang produksyon ng palay kung bibigyan ng sapat na ayuda ang mga magsasaka, magkaroon ng maayos na irigasyon, pest control at iba pa.
“And we know what needed to be done to achieve those – you need to invest in irrigation, you need to invest in modern high-yielding varieties, you need to invest in pest control and so on ‘no… invest in logistics. Unfortunately, those cannot be done overnight ‘no, especially as I was saying earlier – you need investment,” ayon kay NEDA, Sec. Arsenio Balisacan.
Inihalimbawa ni Balisacan ang mga kalapit na bansa sa Indonesia, Thailand at Vietnam na mataas ang produksyon ng palay at mababa ang presyo ng bigas.
Inilahad din ng kalihim na dapat ginawa na ng pamahalaan ang pagtulong sa mga magsasaka noon pa upang hindi nahuhuli ang Pilipinas.
“We have neglected agriculture for decades and that’s what we are trying now to reverse. We are putting a lot of resources into agriculture intended to create those productivity growth,” dagdag pa nito.
Binanggit naman ng NEDA chief ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa pribadong sektor sa aspeto ng mga pasilidad at pagtatayo ng mas matibay na sistema ng irigasyon.
“You need the private sector to invest in logistics, to invest in post-harvest facilities, we need government to build more irrigation systems, durable and resilient irrigation systems,” ani Sec. Balisacan.
Inihayag din ng NEDA na mahalaga rin na bumuo ng mga varieties na ‘resilient’ sa climate change at mga pagbaha.
