National News
P30.5-B school building resiliency project ng DepEd, inaprubahan ng NEDA Board
Nitong Miyerkules, Mayo 15, isinagawa ang ika-16 na National Economic and Development Authority (NEDA) Board Meeting sa Palasyo ng Malacañang kung saan inaprubahan ang iba’t ibang proyekto sa imprastraktura, agrikultura at transportasyon.
Kabilang sa inaprubahan ng NEDA Board ang mahigit P30.56-B Infrastructure for Safer and Resilient Schools Project.
Layunin ng proyekto na i-rehabilitate at ire-construct ang mga pasilidad ng paaralan sa labas ng Metro Manila na napinsala ng mga kalamidad.
Ang proyekto, na popondohan ng official development assistance (ODA) loan mula sa World Bank-International Bank for Reconstruction and Development, ay iimplementa ng Department of Education (DepEd) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa P30.56-B na kabuuang halaga ng proyekto, ang P27.50-B ay magmumula sa loan proceeds habang ang P3.06 -B ay magiging counterpart fund mula sa pambansang pamahalaan.
Ang Infrastructure for Safer and Resilient Schools Project ay ipatutupad mula 2025 hanggang 2029.
Ang proyekto ay kinabibilangan ng repair, rehabilitation, retrofitting, at reconstruction ng mga pasilidad ng paaralan sa labas ng National Capital Region (NCR) na nasira ng iba’t ibang kalamidad sa pagitan ng 2019 at 2023.
Inaasahang makikinabang dito ang 1,282 paaralan, 4,756 na gusali ng paaralan, 13,101 silid-aralan, at 741,038 mag-aaral.
Kabilang sa project components ang “Relatively Simple Works for School Infrastructure Recovery and Operations and Maintenance” na may P9.65-B na alokasyon at “Relatively Complex Works for School Infrastructure Recovery” na may P19.81-B na badyet.
Habang ang isa pang bahagi ay ang Project Management, Monitoring, at Evaluation na may P1.1-B na alokasyon ng badyet.
Ang proyekto ay naglalayong magtayo ng mga matitibay na silid-aralan lalo na sa panahon ng kalamidad.
Ito ay upang matiyak ang pagpapatuloy ng pagganap ng sistema ng edukasyon at mabawasan ang mga pagkagambala sa pag-aaral.