National News
P351-M, posibleng mawala sa kita ng mga mangingisda sa oil spill sa Bataan
Nangangamba ngayon ang ilang environmental group sa maaaring epekto sa kabuhayan ng mga mangingisda sa oil spill mula sa lumubog na barko sa Limay, Bataan.
Batay kasi sa kanilang datos libu-libong mga mangingisda ang mawawalan ng kita.
Puspusan naman ang ginagawang hakbang ng pamahalaan upang mapigilan ang pagkalat ng langis mula sa lumubog na tanker ng MT Terra Nova noong nakaraang linggo.
‘Yun nga lang kumalat na ang langis sa iba pang lugar tulad ng sa Tanza, Naic at iba pang lungsod sa lalawigan ng Cavite.
Sa isang facebook post ng uploader na si Jun Carangalan, makikitang may oil spill na sa baybayin ng Long Beach sa Noveleta.
Batay rin sa pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), apektado na ng langis ang mga shellfish, alimango at isda.
Sa aerial footage mula sa Greenpeace Philippines ay umabot na rin sa Hagonoy, Bulacan ang langis mula sa lumubog na barko sa Limay, Bataan.
Kaya, nangangamba ang nasabing grupo sa posibleng epekto nito sa sektor ng pangisdaan.
Sa pagtataya ng Greenpeace Philippines, aabot sa 11,000 mangingisda sa Bataan ang apektado kung saan aabot sa P83.8 milyon kada buwan ang mawawala sa kita nila.
Habang 8,000 mangingisda naman sa Bulacan at P63 milyon naman ang mawawalang kita at P7.6 milyon sa mga mangingisda sa Pampanga.
Ang datos na inilabas ng grupo ay tila mababa lamang dahil base sa taya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay posibleng pumalo sa P351 milyon ang mawawalang kita sa mga mangingisda.
Sabi ng BFAR na kapag nangyari ‘yan ay aabot sa higit 40,000 mangingisda ang maapektuhan.
Sa ngayon, walang inirerekomendang fishing ban sa Bataan ang BFAR sa kabila ng oil spill dahil hindi naman apektado ng langis ang mga lamang dagat.
Pero, ipinauubaya na raw nila ang pagpapatupad ng fishing ban sa mga lokal na pamahalaan.
Gayunpaman, nakahanda ang Department of Agriculture (DA) na mamahagi ng ayuda sa mga apektadong mangingisda.
Sa forecast naman ng Marine Science Institute ng University of the Philippines nitong Hulyo 29 ay inaasahang aabot pa sa Metro Manila ang pagtagas ng langis mula sa MT Terranova sa Bataan.
Pero, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) naselyuhan at natakpan na ang valve ng leak sa naturang barko.
Ito raw ay para mabawasan na ang pagtagas ng langis habang lumiliit na rin ang oil spill na nakita sa Manila Bay.
Gumawa na rin ng improvised oil spill boom ang PCG bilang bahagi ng nagpapatuloy na recovery operation nito.